Anyare? Mga pasahero, inaakyat ang bintana ng bus makasakay lang




Imahe mula kay Michelle Yutero | Facebook
  • Nakuhanan sa isang video ang nakababahalang kalagayan ng mga pasahero sa Bicutan nito lamang ika-10 ng Setyembre
  • Makikita sa video na nag-uunahan ang mga pasahero sa pag-akyat sa bintana ng bus makasakay lang
  • Ayon sa mga netizens, matagal na raw na ganoon ang sitwasyo sa parteng iyon ng Bicutan

Tila isang paligsahan ng pagsakay sa isang bus sa Bicutan ang nakuhanan ng video ng isang netizen dahil ang ilan sa kanila ay sumasampa na sa bintana ng sasakyan makarating lang sa paroroonan.

Imahe mula kay Michelle Yutero | Facebook

Nakababahala na ang ilang pasahero ay pinipili na lamang na tumuntong sa barrier sa gilid ng kalsada, maipasok lang ang sarili sa bus sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana nito.

Sa maikling video na kinuhanan ni Michelle Yutero habang dumadaan sa Bicutan sa Taguig City lulan ng pribadong sasakyan noong ika-10 ng Setyembre, umaga pa lang ngunit makikitang punung-puno na ng pasahero ang gilid ng kalsada para mag-abang ng masasakyan. Ang iba naman ay tumambay na sa gitna kung nasaan ang mga barrier para makasakay mula sa mga bintana ng bus.

Nagulat din si Michelle sa nakita kaya agad niyang in-upload ang video sa Facebook. “Ano na ang nangyayari? Akala ko may z0mbie marathon. Kawawa naman yung mga pasahero baka mag-cause pa ng accident,” ani Michelle sa kanyang post. Dagdag pa niya may traffic enforcer naman daw sa lugar pero kumukuha rin ng video.

Ngunit ang nakagugulat at nakababahalang sitwasyon ng mga pasahero sa parteng iyon ng Bicutan ay normal na lang daw, ayon sa ibang Pilipino na nagkomento sa post ni Michelle.

Ayon sa isang netizen, “normal na ‘yan sa Bicutan” na sinegundahan naman ng isa at sinabing “ganyan talaga diyan, neng, 6 am start na.” Mukha ngang matagal na ang ganitong sitwasyon sa parteng iyon ng lungsod dahil ang ilan sa mga netizens ay nadismaya na “hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang sitwasyon.”

Imahe mula kay Michelle Yutero | Facebook

Paliwanag naman ng isa na ang mga bus daw kasi na galing Alabang ay sa Skyway na dumadaan kaya kung wala man masyadong dumarating na bus sa parteng iyon, karamihan puno na rin.

Matagal nang isyu ang hirap na dinaranas ng mga Pilipinong komyuter sa Metro Manila at hanggang ngayon ay patuloy pa rin sa paghahanap ang pamahalaan ng solusyon para rito. Isa sa mga naimungkahi at tinitingnang remedyo ay ang pagbabawal sa mga provincial bus na dumaan sa EDSA na lalo namang nagpahirap sa masa nang minsang mag-dry run ito.

I-click ang larawan para mapanood ang video
Source :

Facebook