Mag-asawang nagtitinda ng empanada, kasama ang anak na may karamdaman sa paglalako sa kalsada




Imahe mula sa Philippine Trends and News Facebook page at Image capture mula sa Youtube video ng GMA Public Affairs
  • Mahirap para sa mag-asawang Johnny at Babylyn na maglako ng kanilang panindang empanada habang kasama ang kanilang anak na si JB
  • Hindi naman nila ito maiwan dahil bukod sa walang mag-aalaga ay mayroon itong iniindang karamdaman
  • Marami na rin ang mga pagsubok na pinagdaanan ng mag-asawa ngunit nananatili silang matatag para sa kanilang nag-iisang anak

Muling lumutang sa social media ang larawan ng mag-asawang naglalako ng kanilang panindang empanada.

Imahe mula sa Philippine Trends and News Facebook page

Sa unang tingin, aakalain na nakapatong lang ang kanilang paninda sa lagayang may gulong na siyang tulak ni Tatay Johnny. Subalit kung titignang mabuti, nasa ilalim nito ang isang batang lalaki na tila namamahinga — ngunit ito pala’y may iniindang karamdaman.

Dahil sa pagviral muli ng kanilang larawan, nabigyan ng pagkakataon na maitampok ang kuwento ng mag-asawang nagtitinda ng empanada sa programang Stand for Truth ng GMA Public Affairs.

Sa video na ibinahagi ng Kapuso channel, makikita ang katatagan at dedikasyon ng mag-asawa sa pagtataguyod ng kanilang nag-iisang anak na si JB. Napag-alaman din ng reporter na mayroong kondisyon ang bata na kung tawagin ay Cerebral palsy kaya ganun na lamang ang pangangatawan nito.

“Kaya po namin kasama ang anak namin sa pagtitinda [ay dahil] wala pong mag-aalaga sa bahay,” ani Nanay Babylyn.

Kuwento niya, bago lang sila sa inuupahan nilang bahay dahil tatlong beses na silang nakaranas na masunugan. Wheelchair lang rin umano ang kanilang naisalba mula sa kanilang mga lumang kagamitan.

Dahil sa nangyari, gumawa na lamang ng paraan ang mag-asawang Johnny at Babylyn para magkaroon ng dual purpose ang wheelchair ng kanilang anak na si JB. Ito ay para magamit ng kanilang anak na ‘di nakalalakad ang wheelchair at magamit din nilang mag-asawa sa pagtitinda.

Image capture mula sa Youtube video ng GMA Public Affairs

“Minsan po kahit gutom na kaming mag-asawa tinitiis po namin iyan kumita lang kami,” ayon sa ginang.

“Iyong anak ko po makakatikim lang po iyan ng gatas pag-uwi na po namin ng bahay iyan. Paiinom po namin iyan ng alas-sais [ng umaga] bago kami umalis. Iinom po ulit siya, alas-dyis na po pag-uwi na namin ng bahay.”

Mapapanood ang kuwento ng mag-asawang nagtitinda ng empanada sa video na ibinahagi ng Stand For truth sa YouTube channel ng GMA: