Liza Soberano, tinalo ang Wonder Woman star na si Gal Gadot bilang Most Beautiful Woman in the World




Larawan mula sa Instagram account nina Liza Soberano at Gal Gadot
  • Itinanghal na Most Beautiful Woman of the World for 2019 ang dating Darna na si Liza Soberano
  • Tinalo niya sa listahan ang ilang sikat na celebrity sa Hollywood tulad ni Wonder Woman star Gal Gadot
  • Sa 2.4 milyong boto, higit 300,000 ang nakuha ni Soberano upang tanghaling finest of them all

Hindi maitatanggi na si Liza Soberano ang itinuturing na isa sa pinakamagagandang mukha sa Philippine showbiz ngayon. Maliban sa angking husay sa pag-arte, kapansin-pansin ang maamo at classy na ganda ni Soberano.

Ngunit hindi na lamang sa Pilipinas napapansin ang ganda ng former Darna star. Sa isinagawang survey ng isang entertainment website, si Soberano ang itinanghal na most beautiful woman in the world para sa taong 2019, at tinalo ang iba pang sikat na personalidad mula sa ibang bansa.

Larawan mula sa Instagram account ni Liza Soberano

Ayon sa YouTube video ng Starmometer, isinagawa nila ang survey para malaman kung sino ang pinakamagandang dilag sa buong mundo noong Abril na pinagbotohan naman ng higit 2.4 milyong fans sa iba’t ibang sulok ng daigdig.

Nang mapili ang top 100 most beautiful women, pinili raw ng Starmometer ang top 20 na pinagbotohan muli sa social media kung sino ang papasok sa elite top 10 ng kanilang listahan.

Nanaig ang Kapamilya actress na si Soberano sa final leg ng botohan at nakuha ang titulo blang Most Beautiful Woman in the World of 2019. Tinalo ni Soberano ang KPop star mula sa Thailand na si Lalisa Monaban na nasa ikalawang puwesto at ang Thailand superstar na si Urassaya Sperbund sa ikatlong puwesto.

Pasok din sa top 5 ang KPop stars na si Kim Jisoo at Kim Jennie. Pinataob din ni Soberano ang mga Hollywood stars na sina Selena Gomez, sixth placer, at kapuwa aktres na gumaganap na superhero na si Gal Gadot aka Wonder Woman na nasa ika-siyam na puwesto.

Larawan mula sa Instagram account ni Liza Soberano

Ang kumukumpleto naman sa top 10 ay sina Lily Collins mula Great Britain, Tzuyu mula Taiwan, at Deepika Padukone mula sa India.

Mula sa higit 2 milyong boto, nakakuha si Soberano ng 370,420 votes mula sa website ng Starmometer at social media accounts nila. Matatandaang si Soberano na sana ang gaganap na Pinay superhero na si Darna ngunit umatras dahil sa baling natamo sa kanyang daliri.

Nasa top 12 naman ang isa pang Pinay na si Catriona Gray na itinanghal namang Miss Universe noong 2018.