Little dream house: Lalaki, nagpagawa ng recycled pero bonggang bahay gamit ang isang container van




Larawan mula sa Facebook post ni Amiel Colesio
  • Kakaiba ang dream house ng netizen na si Amiel Colesio dahil imbes na malaking bahay, isang tiny house ang ipinagawa niya
  • Gawa ang kanyang tiny dream house sa lumang container van at ang iba pang kasangkapan sa loob nito ay recycled rin
  • Matagal daw niya itong pinag-ipunan at ngayon ay nakatayo na at kanya nang tinitirahan

Marami sa atin ay pinapangarap magkaroon ng magarbong tahanan. Kapag sinabing magarbo, ito iyong mga bahay na mayroong kakaibang disenyo, malawak na espasyo, maraming silid, at iyong iba ay naglalagay pa ng swimming pool.

Pero isang lalaki sa social media ang nagbahagi ng kanyang dream house. Taliwas sa pangarap ng marami, isang maliit ngunit bonggang bahay ang ipinatayo niya gamit ang isang lumang container van.

Larawan mula sa Facebook post ni Amiel Colesio

Viral ngayon ang Facebook post ng netizen na si Amiel Colesio na ipinakikita ang bawat sulok ng kanyang dream, recycled house na yari sa lumang container van. Sabi niya, madalas daw siyang makakita sa YouTube at Facebook ng mga tiny houses kaya naman naisipan niya ring magkaroon ng sa kanya.

“I’ve been addicted to tiny houses na napapanood ko sa YouTube at nakikita ko sa FB. Hehe. Siguro nakakita na rin kayo at nangarap na magkaroon noon. Isa na ako dun,” sabi ni Colesio sa kanyang post.

Inilahad rin niya na nagsakripisyo siya para maipatayo ang kanyang tiny house at laking pagpapasalamat niya sa kanyang tatay na tinulungan siyang itayo ang kanyang trending house.

“Medyo di lang ako kumain nang onti para makaipon pangbili ng mga materyales pero syempre di ko rin to makukumpleto kung di ko pinilit tatay ko,” dagdag ni Colesio sa kanyang post na mayroon nang higit 6,7000 reactions, 3,100 comments, at 6,200 shares.

Makikita sa mga larawan ng kanyang post ang mga pinagdaanang renovation ng container van bago naging isang ganap na tahanan. May kaliitan man ang espasyo, nagawa naman itong maganda at presko sa mata na karaniwang black and white materials ang makikita sa loob.

Larawan mula sa Facebook post ni Amiel Colesio

Ilan din sa mga ginamit na materyales sa bahay ay recycled katulad ng isang malaking table na napulot lang daw sa tabi-tabi at ginawang isang TV stand.

Kapansin-pansin din ang malinis na sahig nitong gawa sa kahoy, at mayroon pang roof deck. Maganda rin ang view sa paligid ng tiny house dahil naliligiran ito ng mga pananim at mga halaman.

Maraming netizens din ang humanga sa pagkamalikhain ni Colesio at na-inspire na magkaroon ng sarili nilang tiny house. Magandang ideya raw ito sa mga gustong magkaroon ng mas mura ngunit kapansin-pansing tahanan.

Masayang-masaya naman si Colesio dahil maliban sa nakamit na niya ang kanyang dream house ay nag-trending pa ito sa social media.

Iclick ang larawan upang makita ang progreso sa paggawa niya ng bahay