Lalaki, nanawagan sa photo studio na ‘ibalik’ ang kaliwang tainga niya na nawala sa ID picture




Larawan mula sa Facebook account ni Hassim Elias Aragasi at Pexels
  • Trending ngayon sa social media ang post ng isang binata na ‘nawala’ ang tainga sa kanyang ID picture
  • Panawagan niya, ibalik daw ng photo studio ang kanyang tainga
  • Nag-update ang lalaki sa kanyang Facebook account na ‘naibalik’ naman na ang kanyang kaliwang tainga

Sa panahon ng makabagong teknolohiya, madali na lamang kumuha ng maayos na larawan. Mayroong mga applications at high-end phones with camera na nakakakuha ng magagandang larawan kung saan maaari ding i-edit ang mga ito. Nauso pa nga ang terminong ‘Instagrammable’ para sa mga larawan na puwedeng-puwedeng i-post sa social media.

Ngunit ang pagiging hi-tech din ang naging sanhi ng nakatatawang problema ng isang netizen. Nagpakuha siya ng ID picture sa isang photo studio, pero dahil sa labis na pag-eedit sa kanyang larawan, nawala ang kaliwang tainga niya sa ID picture.

Larawan mula sa Facebook account ni Keeysah Usman Amil

Ibinahagi ni Hassim Elias Aragasi sa kanyang Facebook post ang larawan ng ID niya na walang tainga, kasama ang panawagan sa photo studio sa Cotabato na ibalik ang nawawalang bahagi ng kanyang katawan.

“Shoutout po sa isang photo studio dito sa Cotabato, pakibalik po yung tainga ko. As far as I remember, pagpasok ko po sa studio kompleto pa tainga ko! Ginawa n’yo naman akong PWD,” nakatatawang post ni Aragasi.

Dagdag pa niya, hindi niya mahawakan ang larawan niya kaya sa kuha niya sa kanyang post, ang kaibigan niyang si Kyeesah Usman Amil ang humawak at kumuha ng epic fail niyang ID picture.

Nagdiwang din ng kaarawan si Aragasi na binati naman ni Amil sa pamamagitan ng pag-post ng kanyang ID picture na walang tainga.

“Happiest birthday sa beshy kong nawalan ng tainga!” pagbati ni Amil sa kaibigan na sikat na ngayon sa social media dahil sa kakaibang ID picture.

Larawan mula sa Facebook account ni Hassim Elias Aragasi

Trending ang post ni Aragasi dahil habang isinusulat ang kuwentong ito, umabot na sa mahigit 12,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 360 comments, at higit 13,000 shares ilang araw pa lamang matapos niyang ibahagi ito.

Aliw na aliw naman ang mga netizens sa post ni Aragasi at sabay sabi ng ilang social media users na mag-ingat daw kung saan magpapakuha ng ID picture.

Ngayon naman, may post si Aragasi na mayroon na siyang bagong ID picture at mayroon na itong tainga. Laking tuwa ng binata at agad rin itong nag-trending sa mga netizens.

“Update, as of 5:30 pm, naibalik na po ‘yung tainga ko,” biro ng binata.