Laging handa: Babae, baby wipes ang inirampa sa red carpet imbes na mamahaling hand pouch bag




Larawan mula sa Facebook post ni Mars Manalili
  • Kung problema mo ang irarampang hand pouch bag sa isang event, may praktikal na suhestiyon ang isang netizen
  • Imbes kasi mamahaling bag, isang pakete ng baby wipes ang bitbit niya sa red carpet
  • Tulad ng mga mamahaling hand bag, inirampa niya rin ito at nagpakuha pa ng mga larawan at ibinahagi sa social media

Hindi pa rin maka-get over ang marami sa atin sa nakarang ABS-CBN Ball. Marami pa rin ang humahanga sa mga larawan ng mga Kapamilya artist na inirampa ang kanilang mga glamorosong outfit na #OOTD goals para sa marami sa atin. May ilan din na naging paboritong tema ng mga memes na talaga namang nagbigay ng good vibes sa maraming netizens.

Para naman sa isang netizen, hindi kailangang magarbo ang suot pati na ang mga accessories tuwing pupunta ng events tulad ng prom at ball. Ang kailangan lamang daw ay handa ka sa mga maaaring mangyari sa iyo at kailangang may solusyon ka rito.

Larawan mula sa Facebook post ni Mars Manalili

Ibinida ng netizen na si Mars Manalili sa red carpet ng pagdiriwang ng anibersaryo ng kanilang paaralan ang tinawag niyang “perfect accessory.” Bitbit ni Manalili ang isang pakete ng baby wipes na kapareha ng kanyang jumpsuit dress.

Tulad ng mga artista sa red carpet, makikita sa kanyang Facebook post na umanggulo si Manalili na animo ay isang celebrity na mayroong dalang mamahalin at fashionable na hand bag na karaniwang kapareha ng mga magagarbong kasuotan sa mga formal events.

Iba’t ibang poses ang ibinigay ni Manalili para sa kanyang mumurahin at kakaiba pero praktikal na accessory para sa event. Mas trending pa nga naman siya ngayon kaysa sa mga celebrity na gumastos para lamang sa isang hand pouch bag.

Tuwang-tuwa naman ang mga netizens at ilang kaibigan ni Manalili na ayon sa mga komento ay isang guro. Ayon sa kanila, perfect ang dala nitong baby wipes dahil kasagutan ito sa maraming suliranin sa mga events at all-purpose na panglinis at pamunas ng kung ano-ano.

Biniro pa siya ng isang Facebook friend niya na sa susunod raw ay tuturuan pa siya nitong mag-pose nang maayos para mas maibida ang perfect accessory niyang baby wipes.

Larawan mula sa Facebook post ni Mars Manalili

Proud na proud rin si Manalili sa kanyang baby wipes dahil sumagot siya sa isang comment na mura lang daw ito at kasya pa ang ilang mahahalagang gamit, katulad ng laptop.

“Murang-mura lang po yan Ate Viola, kasyang-kasya pa pati laptop,” biro ng fashionistang si Manalili.

Pinasalamatan din ni Manalili ang kumuha ng kanyang trending larawan na si Fred Nabong Pineda.