Kambing sa Batangas, isinilang na may dalawang ulo




Imahe mula kay Jonathan Magistrado, ABS-CBN News | Facebook
  • Agaw-pansin sa Rosario, Batangas ang kambing na isinilang na may dalawang ulo
  • Ayon sa municipal agriculturist sa lugar, mayroong congenital defect ang batang kambing na kung tawagin ay bicephaly o polycephaly
  • Hindi naman nagtagal ang buhay ng kambing na siyang ikinalungkot ng nagmamay-ari nito
Imahe mula kay Jonathan Magistrado, ABS-CBN News | Facebook

Hindi lang isa, kung hindi dalawang ulo ang mayroon sa bagong silang na kambing sa Barangay Salao sa bayan ng Rosario sa Batangas.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, ikinagulat ni Marilyn Hernandez nang matuklasan na isa sa tatlong bagong silang na kambing ng kaniyang paboritong alaga ay may dalawang ulo. Ngayon lamang daw siya nakakita nito sa loob ng 30 taon niyang pag-aalaga ng hayop.

Labis na mapagmahal si Marilyn sa mga hayop kaya’t ganoon na lamang ang kaniyang saya nang manganak ang kaniyang paboritong alagang kambing na tinawag niyang “Tamimi.”

“Tinatawanan nga ako ng aking mga anak. Sabi ko hayaan ninyo at pag ito’y nabuhay kahit saan ako pumunta dadalhin ko ito. Ibibili ko ito, gagawa ako ng bag na lagayan nito at kahit saan dadalhin ko ito sa sobrang tuwa ko,” kuwento ni Hernandez.

Dalawang araw naman matapos itong ipanganak ay yumao rin agad ang kambing na may dalawang ulo.

Aminado ang ginang na hirap makakuha ng gatas kay Tamimi ang batang kambing. Ginagamitan pa niya ito ng dropper para lang makatikim ng gatas mula kay Tamimi.

Imahe mula kay Jonathan Magistrado | ABS-CBN News

Ayon naman sa municipal agriculturist sa Rosario, Batangas na si Jane Libuit, mayroong congenital defect ang batang kambing na kung tawagin ay bicephaly o polycephaly. Maliit umano ang tiyansa ng mga hayop na tumagal ang buhay kung may ganitong kalagayan.

“Kasi nga dahil isa lang ‘yung katawan niya so more or less ‘yung mga organs niya ay isa din lang although dalawa ‘yung na-form na ulo niya kasi nga para siyang twins na ‘di nagkahiwalay so possible talaga na hindi tumagal nung ganito,” sabi ni Libuit.

Noong Abril ay naibahagi rin sa Facebook ng isang netizen, si Elnie Jovy Santiago, ang kahalintulad na pangyayari sa kanyang alagang kambing na may dalawang ulo, apat na mata at dalawang bunganga sa iisang katawan.

Imahe mula kay Elnie Jovy Santiago | Facebook