Jose Mari Chan sa mga nagkalat na memes tungkol sa kanya: “Natutuwa ako and I’m complimented”




Larawan mula sa YouTube at Instagram page ng Sunday Pinasaya
  • Masaya raw si Jose Mari Chan sa mga memes na kumakalat sa social media dahil sa kanyang hit Christmas song
  • Pakiusap niya lamang sa mga netizens na huwag gumawa ng offensive memes
  • Maliban sa TV guesting, may bago ring commercial si Chan para sa isang malaking fast food company

Ilang araw bago sumapit ang unang araw ng Setyembre, sari-saring memes na ang lumabas tungkol kay Jose Mari Chan. Classic hit na kasi ang kanyang awit pamasko na “Christmas in Our Hearts,” at kapag tumungtong na ang Ber months, siguradong Christmas season na sa Pilipinas.

At hindi naman nabigo ang mga nag-aabang kay Chan dahil sa unang araw ng Setyembre, aktibong-aktibo ang tinaguriang “King of Philippine Christmas Songs” dahil mayroon siyang TV guesting sa araw na ito at bagong endorsement.

Larawan mula sa YouTube page ng Sunday Pinasaya

Guest ng noontime comedy-musical show ng GMA Network na “Sunday Pinasaya” si Chan at doon ay opisyal na sinalubong ang Christmas season sa Pilipinas. Pagkatapos ng isang comedy skit, lumabas si Chan sa isang malaking gift box at pagkatapos ay inawit ang kanyang klasikong awit pamasko.

Nagkaroon din ng panayam kay Chan matapos ang kanyang performance at dito ay natanong siya kung ano ang nararamdaman niya sa mga memes tungkol sa kanya. Sinabi naman ng haligi ng OPM at first diamond record awardee na flattered raw siya sa atensyong ibinibigay sa kanya ng mga Pilipino lalo na’t hindi siya nalilimot sa panahon ng Pasko.

“Natutuwa ako, and I’m complimented. I feel complimented and flattered,” masayang sagot ni Chan sa tanong ng host na si Jose Manalo kung anong nararamdaman niya sa memes online.

Gayunman, may pakiusap siya sa mga gumagawa ng memes na huwag ito gawing offensive dahil ang diwa ng Pasko ay ang pagmamahalan at pagkakaisa.

“But I wish they would not make offensive memes,” pahabol ni Chan.

Larawan mula sa YouTube page ng McDonald’s Philippines

Sinabi rin ni Chan na bagama’t naging theme song na ng kapaskuhan ang kanyang “Christmas in Our Hearts,” huwag pa rin daw nating kalimutan ang tunay na biyaya ng Pasko, ang kaarawan ng Panginoon, na siya ring nagbigay ng awiting ito para sa lahat ng Pilipino.

Ginawaran din siya ng parangal ng Sunday Pinasaya dahil sa kanyang kontribusyon sa pagpapasaya ng Pasko sa Pilipinas.

Maliban sa TV guesting, mayroon ding bagong TV commercial si Chan para sa isang malaking fast food company. Kasama niya rito ang founder at chairman ng McDonald’s Philippines na si George T. Yang habang inaawit ang isa pa niyang classic hit na “Let’s Stop and Talk A While.”

Ang album ni Chan na “Christmas in Our Hearts” ay ang itinuturing na best-selling album sa Pilipinas at unang nakakuha ng diamond record award.