Jinkee Pacquiao, ibebenta ang kanyang mga signature shoes at damit para sa charity event nila ni Pacman




Larawan mula sa Instagram account ni Jinkee Pacquiao
  • Patuloy sa pagkakawang-gawa ang mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao
  • Ngayong weekend ay magsasagawa sila ng isang charity event kung saan ibebenta nila ang kanilang ilang gamit
  • Kasama sa mga ito ang signature shoes at damit ni Jinkee na isang certified fashionista

Kahit siya’y isa sa pinakamatagumpay na atletang Pilipino, hindi pa rin nakalilimutan ng pound for pound king at senador na si Manny “Pacman” Pacquiao ang magbahagi ng biyaya sa kapuwa. Maging ang kanyang pamilya ay kasali na rin sa iba’t ibang proyekto na tumutulong sa kapos-palad nating mga kababayan.

Sa latest Instagram post nga ng misis niyang si Jinkee, inanunsiyo nito na magsasagawa sila ng kanyang mister ng isang charity event kung saan ibebenta nila ang kanilang mga pre-loved items at ido-donate ang magpagbebentahan sa ilang paaralan at mga katutubo sa Kidapawan City, South Cotabato.

Larawan mula sa Instagram account ni Jinkee Pacquiao

Hindi basta-basta ang mga damit at sapatos na ipagbibili nina Jinkee kabilang ang kanyang mga signature at branded na sapatos. Kilala si Jinkee na certified fashionista kaya naman inaabangan na ang kanyang hile-hilera ng mga sapatos.

Mayroon ring video sa post ni Jinkee kung saan makikitang inaayos niya ang ilang mga damit na ibebenta rin sa charity event. Mayroong mga dress at ang iconic jacket ni Manny na ginamit niya sa kanyang mga nakaraang laban. Ipinakita rin sa video ang ilan pang mga damit at sapatos na nakalagay na sa mga kahon at handa nang dalhin sa Marriott, Clark, Pampanga na pagdarausan ng event.

Kakaiba ang gagawing pagbebenta ng pre-loved items ng pamilya Pacquiao dahil kailangang ipa-reserve ang slot para makapamili. Tatlong araw gagawin ang event, Setyembre 20 hanggang 23, at may ilang schedule na gaganapin sa buong maghapon.

Hinihikayat din ni Jinkee na magpa-register ngayon ang mga gustong sumali dahil mabilis na nauubos ang slot. Sa katunayan, nagdagdag pa sila ng higit 50 slots kada araw para mas maraming makapuntang fans nila na gusto ring makatulong.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Excited naman ang fans at followers nina Jinkee at Manny na makabili ng branded items mula sa kanilang mga idolo. Tiyak daw na maraming magagandang items mula sa charity event at sigurado pang makatutulong ito sa kapuwa Pilipino.

Kapuwa sumabak sa politika ang mag-asawang Pacquiao. Si Manny ay kasalukuyang senador ng bansa habang si Jinkee naman ay naging Vice Governor ng Saranggani noong 2013 ngunit nagpasyang hindi na tumakbo pa sa anumang posisyon para ituon ang panahon sa pamilya at negosyo.