Janno Gibbs, umaming may isyu pa sa ABS-CBN dahil sa ilang Instagram posts




Larawan mula sa Instagram account ni Janno Gibbs
  • Mayroon palang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ni Janno Gibbs at ng ABS-CBN
  • Dahil dito, hindi muna siya nakakapag-guest sa Kapamilya Network
  • Nag-ugat daw ito sa mga Instagram post ni Gibbs na hindi nagustuhan ng ilang boss ng network

Kumpleto na sana ang senior singers ng GMA Network at defunct musical variety show na SOP sa Kapamilya Network. Naunang tumawid ng istasyon sina Ogie Alcasid at Jaya, habang sumunod naman sina Janno Gibbs at Regine Velasquez sa ABS-CBN.

Gayunman, kahit mayroon nang mga naunang show ang King of S0ul na si Gibbs sa Dos ay kapansin-pansin na hindi siya kasama nina Dennis Padilla at Andrew E. sa pagpo-promote ng kanilang bagong pelikula na “Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo” sa nasabing network.

Larawan mula sa Instagram account ni Janno Gibbs

Sa isang panayam, kinumpirma ni Gibbs na mayroong hindi pagkakaintindihan sa pagitan niya at ng Kapamilya network dahil sa mga naging pahayag niya noong nakaraang taon sa kanyang Instagram account.

Dahil napanood sa hit primetime series na “Ang Probinsyano” noong 2017, marami ang umasa na mas magiging aktibo si Gibbs sa mga show at proyekto ng ABS-CBN kabilang na ang musical variety show na ASAP at ang nakaraang Christmas station ID ng network.

Gayunman, “no show” si Gibbs sa mga nasabing proyekto kaya naman inulan ng tanong ang kanyang Instagram account tungkol sa kanyang paglabas muli sa ABS-CBN. Sinagot ito ni Gibbs noong 2018 sa ilang IG post na naging dahilan pala ng tampuhan sa pagitan niya at ng network.

Naging kontrobersyal noon ang post ni Gibbs ng kanyang larawan ng contract signing sa Star Music, recording arm ng ABS-CBN, na mayroong caption na “Wag n’yo ko hanapin sa station ID at ASAP nila yan.” Ito ay bilang sagot sa mga naghahanap sa kanya sa noon ay bagong format na show kung saan naging mainstay na sina Alcasid at Velasquez.

Nasundan pa ang nasabing post ng tila pagtatampo ni Gibbs sa Kapamilya network dahil sa hindi nito pagkakasali sa 2018 Christmas station ID. Himutok ni Gibbs, tila hindi na raw yata siya naaalala ng Star Music.

Larawan mula sa Instagram account ni Janno Gibbs

“Throwback to Sept. 12 this year when I signed with Star Music. Naalala ko lang. Sila yata di ako naaalala eh,” caption ng singer at komedyante sa post niya sa IG.

Kalaunan ay binura din ni Gibbs ang kanyang mga post. Nilinaw din niyang ang layunin ng mga post na iyon ay magpatawa ngunit mayroon daw mga boss na nasaktan sa kanyang mga pahayag.

Pero umaasa pa rin ang aktor na maaayos pa rin ang relasyon niya sa ABS-CBN dahil nag-enjoy daw siyang katrabaho ang mga Kapamilya.

Napanood naman kamakailan si Gibbs sa “Tonight with Arnold Clavio” ng GMA News TV para i-promote ang kanyang pelikula.

Source :

Instagram, PEP