Isang tatay sinamahan ang naka-wheelchair na anak sa LET maghapon; mga netizens humanga




Larawan mula sa Facebook account ni Sheila Mae Glor
  • Marami ang naantig sa Facebook post ng isang LET taker dahil sa sakripisyo ng isang ama para sa kanyang anak
  • Isang tatay kasi ang matiyagang hinintay ang maghapong exam ng anak na naka-wheelchair
  • Simula raw noong 1st year nito ay hatid-sundo na siya ng ama sa paaralan na hinangaan naman ng netizens

Karaniwang lumalabas ang iba’t ibang kuwento ng tagumpay matapos pumasa ng mga education graduates sa Licensure Examination for Teachers (LET). Sa panahon ng social media, kanya-kanyang bahagi na ang mga netizen na pumasa sa exam ng kanilang mga pinagdaanan, kabilang ang sakripisyo ng mga magulang.

Ngunit sa ginanap na LET nitong Setyembre, hindi pa man nailalabas ang resulta ay mayroon nang nakaaantig na kuwentong nagsisilbing inspirasyon ngayon sa mga kumuha ng pagsusulit. Ibinahagi ng netizen na si Sheila Mae Glor sa kanyang Facebook post ang nakabibilib na pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak na kumuha ng LET.

Larawan mula sa Facebook account ni Sheila Mae Glor

Ayon kay Glor na kumuha rin ng exam nang araw na iyon, napansin niya raw ang isang ama na matiyagang naghihintay sa labas ng silid na pinagdausan ng LET. Nang mag-umpisa raw ang exam ng 6:30 ng umaga, nakita na raw niya si Tatay na naghihintay sa isang sulok. Magiliw daw ang matanda at binibigyan ng ngiti ang bawat makitang dumaraan. Doon pa lamang daw ay naramdaman na ni Glor ang suporta ni Tatay sa kung sinumang kasama niya noon.

Inaabot ng maghapon ang LET, kaya naman bandang 5:30 na raw nang matapos sina Glor. Paglabas niya ng silid, nakita pa rin niya doon si Tatay. Dahil likas na magiliw, ngumiti rin daw si Tatay kay Glor at kinausap daw siya nito.

“Nag-eexam sa loob ang anak ko eh,” sabi raw ni Tatay kay Glor na tila proud na proud.

Tinanong daw ni Glor kung sino ang anak ni Tatay sa mga natitirang nag-e-exam sa loob. Tinuro daw ni Tatay ang isang lalaking naka-wheelchair. Nagpatuloy daw ang pagkukuwento ng matanda tungkol sa kanyang anak.

“Mula first year ‘yan hatid-sundo ko na ‘yan. Hanggang ngayon na board n’ya,” sabi pa raw ni Tatay.

Larawan mula sa Facebook account ni Sheila Mae Glor

Naantig daw ang pus0 ni Glor nang marinig ang mga katagang iyon. Dito raw napagtanto ni Glor ang mga sakripisyo ng isang magulang para sa kanyang anak. Hindi raw nito alintana kung nakakapagod o kakain ng mahabang oras ang gagawin, basta para sa anak.

“Isinama ko po kayo sa prayer ko Tay. Na nawa bigyan ka pa ng mas mahaba pang buhay at mas malakas na katawan. At nawa din makapasa ang anak n’yo,” sabi ni Glor sa kanyang trending Facebook post.

Hindi na raw nakapagpatuloy ng pag-uusap sina Glor at Tatay dahil natapos na sa exam ang anak nito. Gayunman, hanggang ngayon ay inspirasyon pa rin ang mag-ama para kay Glor at sa lahat ng kumuha ng LET ngayong taon.

Katulad ni Glor, maraming netizens din ang naka-relate sa kuwento ni Tatay at anak niyang kahit mayroong kapansanan ay patuloy pa ring inaabot ang kanilang mga pangarap.