Isang probinsya sa Canada nangangailangan ng 2,000 Pinoy skilled workers taon-taon




Screenshot mula sa video ng ABS-CBN
  • Yukon territory sa Canada kailangan ng 2,000 Pinoy workers taon-taon
  • Mas gusto ng mga Canadians ang mga Pilipinong manggagawa dahil sa kalidad ng trabaho at sipag 
  • Malaki ang buwanang sahod at may oportunidad pa na maisama ng mga Pinoy workers ang kanilang mga pamilya

Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mangangailangan ng dalawang libong (2,000) Filipino skilled workers para sa iba’t ibang industriya ang Yukon territory ng Canada taon-taon.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Ipinahayag ni Labor Sec. Silvestre Bello III na siya at ang ilang opisyal ng Yukon ay lumagda ng isang joint communique ukol sa deployment ng mga Pinoy skilled workers sa nasabing Canadian province noong nakaraang linggo.

“Naglalaman ang joint communique sa Yukon Canada ng kanilang hiling para sa 2,000 skilled worker kada taon,” sabi ng kalihim.

Aniya, binigyan na niya ng direktiba si Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator na si Bernard Olalia na gawing mas madali ang proseso sa mga nais mag-apply ng trabaho sa Yukon.

“Matapos naming makipagpulong sa mga opisyal sa Yukon, inatasan ko na si Admin. Olalia upang pabilisin ang deployment ng mga OFW sa Canada,” sabi ni Sec. Bello.

Sinabi naman  ni Olalia na government-to-government ang pagpapadala ng mga Pinoy workers sa Canada.  At dahil ang POEA ang magpoproseso ng mga application ay walang babayarang placement fee ang mga aplikante.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Mga Pinoy nurses, engineers, heavy equipment or machine operators, chefs, call center agents at teachers ang kailangan ng Yukon.

“Mas gusto ng mga Canadian ang mga Pilipinong manggagawa dahil sa kalidad ng trabaho at sipag nating mga Pinoy. Mahalaga rin sa kanila ang family bond, kaya naman hinihikayat nila ang mga manggagawa na isama ang kani-kanilang mga pamilya sa Canada at tutulungan silang makapasok sa nasabing bansa,” wika pa ni Bello.

Ang suweldong alok sa mga Pinoy workers ay nasa pagitan ng P80,000 hanggang P300,000 kada buwan depende sa trabaho at posisyon bukod pa sa oportunidad na maisama nila ang kanilang mga pamilya.

Ibinahagi pa ng kalihim na nagkaroon sila ng first hand encounter sa mga Pilipino sa Canada at napag-alaman nilang masasaya ang mga Pinoy sa Yukon kaya sigurado sila na protektado at respetado ang mga kabayan natin na nais magtrabaho doon.

“Ang Yukon, ay isang teritoryo sa northwest Canada at sa tingin namin, mayroon doong 20,000 tao o mga residente, at nasa 3,000 doon ay mga Pilipino. Kaya naman kahit saan ka magpunta, makakakita ka ng mga Pilipino. Very welcome sila sa komunidad,” ayon pa kay Sec. Bello.

Publiv domain image

Nag-abiso naman sa mga interesadong aplikante ang POEA na antabayanan sa website ng ahensya ang anunsyo tungkol sa deployment ng Pinoy workers sa Yukon dahil inaaayos pa ang job orders.

Ang mga Yukon officials ay magtutungo sa Pilipinas upang dito sa bansa pormal na pirmahan ang kasunduan sa deployment ng Filipino workers.