Iglesia ni Cristo, hawak na ang Guinness Book of World Records para sa “Most People Baptized”




Imahe mula sa Facebook page ng Iglesia Ni Cristo
  • Hawak ng Iglesia Ni Cristo o INC ang bagong Guinness World Record para sa pinakamaraming mananampalatayang nabaustismuhan ngayong 2019
  • 18,272 katao ang sumailalim sa pagbabautismo
  • Ginanap ito sa Ciudad De Victoria sa Bocaue, Bulacan noong Setyembre 7, 2019.

Natamo ng Iglesia Ni Cristo o INC ang pinakabagong Guinness World Record para sa pinakamaraming mga mananampalatayang sumailalim sa pagpapabautismo o “Grand Baptism” na isinagawa sa Ciudad De Victoria sa Bocaue, Bulacan noong Setyembre 7, 2019.

Ayon sa Guinness adjudicator mula sa London na si Joanne Marie Brent, ang nakatakdang bilang ng mga mananampalatayang nabautismuhan na kailangan nilang talunin ay 200, subalit higit pa rito ang ibinigay ng INC dahil sa 18,272 katao na kanilang nabaustismuhan.

Imahe mula sa Facebook page ng Iglesia Ni Cristo

“The minimum requirement for this record was 200 but we have our rules that must be adhered to. I can now confirm that for the most people baptized, you have set a new Guinness world record total with 18,272,” ayon kay Brent.

Dagdag pa niya: “So there are many people here today. But we’ve been working very hard for the past few hours to come to a number of people who fully participated. This has been a very impressive and powerful day to bear witness to.”

Maliban kay Brent, tatlo pang Guinness adjudicators na sina Pravin Jasmaibhai mula sa Great Britain, Solvej Mary Malou mula sa Australia, at Sofia Eleonora Greenacre mula sa Sweden.

Naging katuwang ng auditing firm na Deloitte ang mga Guinness adjudicators sa pagmamasid at pagbibilang ng mga nabautismuha sa pamamagitan ng wrist bands na inihulog sa mga kahon na nasa loob ng Philippine Arena.

Ang bagong Guinness record ng INC ay isa lamang sa 20 Guinness records na pinaghahawakan ng Iglesia Ni Cristo mula 2012.

Imahe mula sa Facebook page ng Iglesia Ni Cristo

Bukod sa mga Pilipino, ang mga mananampalatayang nabautismuhan ay mula sa mga kontinente ng Asya, Hilaga at Timog America, at Africa. Ang naturang Grand Baptism ay kaugnay ng ika–10 anibersaryo ng pagiging INC Executive Minister ni Brother Eduardo V. Manalo.