Hindi malilimutan: Naranasan mo na bang maglakad pauwi mula sa eskwelahan?




Public Domain Image
  • Pinag–usapan sa social media ang larawan ng mga mag–aaral na naglalakad pauwi mula sa eskwelahan
  • Marami sa mga netizens ang nagbahagi rin ng kanilang karanasan hinggil dito
  • Sana raw ay maranasan din ito ng kabataan ngayon at huwag puro reklamo 

Nakatingin si Lorelee sa maitim na kaulapan. Panghapon ang pasok niya sa eskwela. Ipinapanalangin niyang sana ay masuspinde ang klase upang maipagpatuloy niya ang paglalaro ng mobile games. Isa pa, tinatamad siyang bumiyahe kahit isang sakay lamang ng dyip ang kailangan niyang gawin paraa makarating sa paaralan. Sinabi niya ito sa kaniyang nanay.

“Mabuti ka pa nga anak, nakakasakay pa ng dyip para makapasok ka sa paaralan. Kami noon, nilalakad lamang namin mula sa aming bahay patungo sa paaralan na nasa aming bayan,” turan ng nanay ni Lorelee. “Naglalakad kami ng halos 30 minuto hanggang isang oras papunta at pauwi.” Namilog ang mga mata ni Lorelee sa kaniyang narinig.

Bukod sa nanay ni Lorelee, tiyak na naranasan din ng iba pang mga tao ang paglalakad makapasok lamang sa eskwela, tulad ng ibinahagi ng netizen na si Tameeka Brielle mula sa Facebook page na “Memories of Old Manila.” Tanong niya: Naranasan mo rin bang maglakad pauwi mula sa eskwelahan?

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Tumugon naman dito ang mga “relate–much” na netizens. Kanya–kanya silang pagbabahagi ng mga karanasan noong sila ay mga estudyante pa.

“Opo… lakad papasok at pauwi, nakabakya pa, tapos natatamaan ng bakya yung bukong–bukong kaya magsusugat… ang sakit!”

“Yes! ang school namin kasi, kapag grade 4-6, separated almost a kilometer from the town, nakapaa pa kami. Kapag tag–ulan, lahat ng potholes ng kalsada sinasawsaw namin ang paa hanggang marating ng school. Ang bakya, binibitbit baka mapudpod.”

“Yes always! Kasabay mga ibang bata galing din sa eskwela at magkalapit–bahay na uuwian. From elementary to high school pa. Such a good and nostalgic memories!”

“Opo! Mula po grade 1 hanggang grade 6. Umulan–umaraw at kahit po may bagyo at sa pilapil pa kami dumaraan. Masaya pong karanasan at hindi po makakalimutan.”

Sa mga lalawigan at iba pang liblib na bayan o baryo, halos ilang oras na matiyagang naglalakad ang mga mag–aaral upang marating ang kanilang paaralan, sukdulang tumawid sila sa rumaragasang ilog, umakyat at bumaba ng burol o bundok, o dumaan sa maputik na daan at sagupain ang panganib ng kagubatan.

Public Domain Image

Katwiran naman ng mga magulang ngayon, masyado nang mainit ang panahon kaya hindi na uubra ang paglalakad nang malayo ng mga estudyante. Isa pa, hindi rin nakatitiyak sa mga taong makasasalubong lalo pa’t nauuso ang pangunguha ng mga bata.

Sa kabilang banda, masaya pa ring alalahanin ang paglalakad papasok at pag–uwi mula sa eskwela!