Higit pa sa magagarbong kasuotan, ABS-CBN Ball 2019 inilunsad para suportahan ang Bantay Edukasyon




Mga imahe mula sa The ABS-CBN Ball at ABS-CBN Foundation Facebook page
  • Inabangan ng maraming fans at netizens ang kasuotan ng mga hinahangaan nilang kapamilya stars sa ABS-CBN Ball 2019
  • Gayunman, higit pa sa mga maniningning na kasuotan ang tunay na layunin ng pagtitipon
  • Ang mangalap ng pondo at magtaas ng kamalayan tungkol sa Bantay Edukasyon ang mithiin ng magarbong pagtitipong ito ng mga kapamilya stars

Mga magagarbong kasuotan ng mga nagninigningang kapamilya stars ang pinakainabangan ng mga fans sa ABS-CBN Ball 2019 na may temang “Modern Filipiniana.”

Katunayan, may mga artistang binigyan ng special awards dahil nagningning ang mga ito sa gabi ng pagtitipon. Isa sa mga artistang kinilala ang “effort” sa pagdadala ng sarili ay si Jane De Leon, ang gaganap na Darna, na kinilala bilang Belo Beauty on the Rise at isa sa mga Metro Best Dressed.

Imahe mula sa The ABS-CBN Ball Facebook page

Gayunman, ang pagtitipong ito ng mga hinahangaang artista ng ABS-CBN ay may higit na layunin kaysa irampa sa red carpet ang magagarang kasuotan. Ang mithiing ito ay para mangalap ng pondo bilang suporta sa programang Bantay Edukasyon ng Bantay Bata 163.

Ang Bantay Edukasyon ay inilunsad na programa ng Bantay Bata 163 noong 1998. Mithiin nitong tulungan at suportahan ang pag-aaral ng mga batang kinupkop o na-rescue ng Bantay Bata.

Ayon sa report ng ABS-CBN, mahigit 6,000 bata ang nabigyan ng scholarship at mahigit 1,000 na ang naka-graduate sa iba’t ibang antas.

Ang mabigyan ng mataas na kalidad ng edukasyon ang isa sa mga layunin ng programa na nakatuon sa mga batang hindi nabibigyan ng pagkakataon na makapag-aral.

Ang kabuuang pondo na malilikom sa ABS-CBN Ball 2019 ay mapupunta sa Bantay Edukasyon.

Samantala, hindi man nakarating sa pagtitipon ang kapamilya star na si Angel Locsin ay ginamit naman nito ang kaniyang Instagram account upang mag-raise ng awareness tungkol sa Bantay Edukasyon.

Imahe mula sa ABS-CBN Foundation Facebook page

Sinabi rin ng aktres na hindi siya dumalo sa pagtitipon dahil naisip niyang i-donate na lamang ang anumang magagastos niya kung dumalo siya.

“For those who would like to help a child to have a bright future, please donate to Bantay Bata 163,” panawagan pa ni Angel.