Higanteng isda na Lapu-Lapu, nahuli sa Antique




Imahe mula kay Che Calay via GMA News
  • Isang higanteng isda ang nahuli ng mga mangingisda sa karagatang nasasakupan ng Culasi, Antique
  • Ang isdang ito ay isang Lapu-Lapu at tinatayang may bigat na 147 kilos
  • Noong 2017, nakahuli rin ng ganito sa Palawan

Ang pangingisda ang isa sa mga pangkabuhayan ng maraming Pinoy na naninirahan sa probinsya. Dahil ang kapuluan ng Pilipinas ay napaliligiran ng halos mga karagatan, dito kumukuha ng kanilang pinagkakakitaan ang maraming mga mangingisda.

Mayaman sa iba’t ibang uri ng isda ang mga karagatan sa Pilipinas, pagkatapos mahuli ang mga ito ay ibinebenta sila sa palengke.

Imahe mula kay Che Calay via GMA News

Tone-toneladang mga isda ang araw-araw ay dinadala sa mga palengke at itinitinda. Marami sa mga Pinoy ang umaga pa lamang ay namamalengke na upang makakuha ng mga bagong huling isda.

Marami sa presyo ng mga isda ang abot kaya ng budget ng mga Pinoy, ngunit mayroon din namang mga klase ng isda na may kamahalan dahil na rin sa kanilang lasa.

Ang leopard coral trout (Plectropomus leopardus) o mas kilala sa tawag na “Lapu-Lapu” ay itinuturing na isa sa pinakamahal at pinakamalasang isda na matatagpuan sa mga western countries kabilang na ang Pilipinas.

Ang Lapu-Lapu ay may pagkakulay pula na isda at pinaniniwalaang kapag kinain ay nagbibigay ng maunlad at masaganang buhay.

Maraming mga 5-star restaurants ang naghahain ng Lapu-Lapu sa mga western countries tulad na lang ng Hong Kong at Singapore, at ang isang meal nito ay umaabot ng 150 dollars.

Kamakailan, isang higanteng Lapu-Lapu ang nahuli sa nasasakupang karagatan ng Culasi sa Antique.

Imahe mula kay Che Calay via GMA News

Pinagkaguluhan ng mga residente ang isdang ito matapos dalhin ng mga mangingisda sa may pampang.

Tinatayang nasa higit 147 kilos ang timbang nito na agad na binili ng isang hindi nagpakilalang buyer.

Ayon sa mga residente, hindi umano ito ang unang pagkakataon na may nahuling higanteng “Bu-an” sa Antique. Bu-an ang tawag ng mga lokal sa isdang Lapu-Lapu.

Noong 2015 ay may nahuli rin na higanteng Lapu-Lapu sa may lungsod rin ng Antique na tinatayang 7-feet at may bigat na 176 kilos.

Samantalang noong 2017, isang dambuhalang Lapu-Lapu rin ang nahuli sa isla naman ng Puerto Princesa sa Palawan.

Pinaniniwalaang lumaki ang Lapu-Lapu na ito dahil sa ipinatupad ng Palawan Council of Sustainable Development na “open-close” season  para sa paghuli ng Lapu-Lapu sa lugar upang pangalagaan ang kanilang populasyon.