Ginebra coach Tim Cone, kinokonsidera bilang bagong Gilas Pilipinas coach sa darating na SEA Games




Larawan mula sa Facebook page ng Gilas Pilipinas
  • Nagbitiw na si Yeng Guiao bilang coach ng Gilas Pilipinas matapos mabigo sa FIBA World
  • Naghahanap ang SBP ngayon ng bagong coach para sa SEA Games at si Tim Cone daw ang napupusuan nila
  • Gusto naman daw ni Cone na hawakan ang Gilas ngunit kailangan pang pumayag ng SMC

Matapos mabigong makasungkit ng panalo sa nakaraang FIBA World Cup na ginanap sa China, on the hunt ngayon ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para sa susunod na magiging coach ng national team o Gilas Pilipinas.

Nagbitiw na si Yeng Guiao bilang coach ng Gilas kahit mayroon pang lalahukang Southeast Asian (SEA) Games sa Nobyembre na gaganapin sa Pilipinas. Iba’t ibang pangalan ang lumalabas na maaaring humawak sa Gilas at isa sa mga ito ay ang Ginebra coach na si Tim Cone.

Larawan mula sa Facebook page ng Gilas Pilipinas

Inilabas ang ulat sa official Facebook page ng Gilas Pilipinas kung saan kinokonsidera ng SBP si Cone na kuhanin bilang coach ng Gilas kahit sa gaganaping SEA Games lamang. Determinado ang Philippine team na makahanap ng mahusay na coach dahil defending champion ang Pilipinas sa basketball sa SEA Games.

“Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) leadership is eyeing multi-titled coach Tim Cone to call the shots for the Gilas Pilipinas team that will defend the basketball gold medal at the 2019 Southeast Asian Games,” ayon sa Facebook post.

Ayon din sa naging pahayag ng dating chairman ng SBP na si Manny V. Pangilinan, nangunguna raw si Cone sa mga coach na maaaring manguna sa Gilas kahit sa SEA Games lamang. Mukhang positibo naman sa bahagi ni Cone ang shortlist ng SBP dahil sa mga nakaraang panayam, nagpahayag si Cone ng interes sa paghawak sa Gilas.

Gayunman, kahit gusto ni Cone, kailangan pa ring manghingi ng permiso ng SBP sa mga boss ni Cone sa San Miguel Corporation kung saan nagsisilbi siyang coach ng Barangay Ginebra lalo pa at kauumpisa lang ng bagong conference ng Philippine Basketball Association (PBA).

Kung matutuloy man ang coaching stint ni Cone sa Gilas, hindi ito ang unang pagkakataon na hahawakan niya ang national basketball team. Noong 1998, siya ang naging coach ng Philippine team sa Asian Games kung saan naiuwi natin ang bronze medal.

Larawan mula sa Facebook page ng Gilas Pilipinas

Maganda rin ang coaching record ni Cone sa PBA dahil mayroon siyang 21 championships at 32 finals appearance. Naging coach siya ng mga koponang Alaska Aces, Purefoods, at Ginebra San Miguel.

Inaasahang gagawa ng kompirmasyon ang SBP tungkol sa opisyal na magiging coach ng Gilas sa mga susunod na araw dahil papalapit na rin ang SEA Games.