From Lava Walk to Waze Voice: Boses ni Miss Universe 2018 Catriona Gray, tampok na sa Waze




Larawan mula sa Instagram account ni Catriona Gray at Waze
  • Tampok na ang boses ni Miss Universe 2018 Catriona Gray sa traffic navigation app na Waze
  • Hindi wikang Filipino pero English ang salita ni Gray na maaari lamang i-download sa Pilipinas
  • Biro ng ilang netizens, baka raw turuan ni Gray ang gagamit ng boses niya sa Waze ng “lava walk” o slowmo twirl

Nang mausong gamitin ng mga Pinoy ang traffic navigating application na ‘Waze,’ nagkaroon ng panawagan na magkaroon ng Filipino voice sa nasabing app. Noong 2017, naisakatuparan naman ito at nagsasalita na ng wikang Filipino ang navigator na tinawag na si Adora.

Ngunit ngayong 2019, boses ng isang Pinay na talaga ang maririnig sa Waze dahil tampok sa app ang boses ng Miss Universe 2018 na si Catriona Gray. Masayang inanunsiyo ni Gray sa kanyang Instagram account ang pagkakabilang ng kanyang boses sa Waze sa tulong ng local bank na BDO na siyang ineendorso ng beauty queen at modelo.

Larawan mula sa Instagram account ni Catriona Gray

“So… I’m on Waze thanks to BDO! Let me help find your way and make your drive a little more fun,” sabi ng Pinay beauty queen na parehong itinanghal na Ms. World at Ms. Universe Philippines.

At dahil likas na malikhain at masiyahin ang mga Pilipino, napagkakatuwaan na naman ngayon sa social media ang pagkakasali ni Gray sa Waze. Idinidikit ng marami ang kanyang magiging voice direction sa app sa kanyang mga naging iconic lines sa beauty contest na Miss Universe.

Ayon sa isang netizen, hindi raw malabo na turuan ka ni Gray sa Waze na mag-slow mo twirl o turn kapag nagmamaneho para sa iyong kaligtasan.

“In two kilometers, life there is very sad and very poor… Make a slow turn on Tondo Street, Manila,” matalinong biro ng isang netizen sa Reddit.

Screenshot mula sa Waze app

Puwede rin daw tayong dalhin ng boses ni Gray sa silver lining na sumikat nang maging bahagi ng sagot niya sa Miss Universe na isa sa mga pasaporte niya para maiuwi ang korona.

Gayunman, sa Pilipinas lamang maaaring i-download ang boses ni Gray sa Waze na ikinalungkot ng ilang fans niya sa labas ng bansa, kabilang na ang USA.

Gumagamit ang boses ni Gray ng US English sa nasabing traffic navigation app na karaniwang ginagamit ng mga taxi at private vehicles.

Source :

Instagram, Reddit