From DJ to Station Manager: DJ Nicole Hyala, pasok sa Harvard University, kukuha ng management course




Larawan mula sa Instagram account ni Nicole Hyala
  • Station Manager na ng Love Radio ang DJ na si Nicole Hyala
  • Simula 2017, siya na ang station manager habang patuloy sa pagiging DJ sa Tambalan nila ni Chris Tsuper
  • Dahil dito, mag-aaral na si Nicole sa online school ng Harvard para mapayaman ang kakayahan bilang manager

Kapag pag-uusapan ang radyo, hindi maaaring makalimutan ang tambalang Nicole Hyala at Chris Tsuper. Masasabing sila ang nagbago ng pamamaraan ng mga radio DJ sa paghahain ng entertainment at musika sa mga tagapakinig. Pumatok kasi sa taumbayan ang makukulit na hirit, tagos sa pus0ng payo, at iba’t ibang gimik ng tambalan.

Ilang taon matapos ang pamamayagpag sa radyo bilang DJ, ang isang bahagi ng “Tambalan” ng Love Radio ay hindi na lamang basta DJ, kundi isa na ngayong boss sa radio station. Station manager na ngayon si Nicole Hyala, Emmylou Gaite- Tinana sa totoong buhay.

Larawan mula sa Instagram account ni Nicole Hyala

Ayon kay Nicole, noong 2017 sinabihan daw siya ng kanyang dating boss na maghanda na dahil siya ang papalit dito bilang station manager ng Love Radio. Noong taon ding iyon, nag-take over na ang DJ sa bago niyang papel bilang manager, habang patuloy pa rin sa kanyang radio DJ stints.

Upang mas mapayaman ang kaalaman sa pagpapatakbo ng isang team, papasukin ngayon ni Nicole ang pag-aaral ng kurso sa management. At itinodo na ni Nicole ang pag-aaral dahil papasok siya sa Harvard University Online School.

Masayang ibinahagi sa kanyang Instagram account ng radio DJ ang mensahe mula sa pamunuan ng Harvard Business School Online na opisyal nang magsisimula ang kanyang pag-aaral sa cohort schooling ng sikat na unibersidad sa Oktubre 16.

Nakatakdang kuhanin ni Nicole ang kursong Management Essentials na mas magpapatibay ng kanyang kakayahan bilang station manager ng Love Radio.

Larawan mula sa Instagram account ni Nicole Hyala

“My heart is full. Salamat po Panginoon. OMG Harvard!!! Real work begins on October 16. So help me God,” post ni Nicole sa IG kasama ang screenshot ng e-mail ng Harvard.

Nagtapos si Nicole ng kursong Business Management sa Assumption College at nagtrabaho ng dalawang taon sa isang bangko. Nang mabigo raw sa pag-ibig, dito naisipan ni Nicole na subukan ang trabaho sa radyo kahit malayo sa kursong tinapos.

Nakapasok naman siya at nakilala sa pangalang “Nicole Hyala” dahil ang target audience daw ng kanyang radio segment noon ay mga estudyante.