Foreign players, nais ipagbawal ni Cong. Mikee Romero sa collegiate leagues sa bansa




Larawan mula sa Facebook page ni Cong. Mikee Romero
  • Nais ipagbawal ni Cong. Mikee Romero ang paglalagay ng foreign players sa collegiate games
  • Hindi raw kasi nito natutulungan ang pag-unlad ng mga atletang Pilipino
  • Kinuwestiyon naman ng netizens ang panukalang ito ni Romero dahil isa siya sa mga nagsusulong ng mga naturalized players para sa national team

Sabay na tinututukan ng basketball fans ang maiinit na aksyon ng dalawang collegiate leagues sa bansa — ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA). Gayunman, sa mga koponan ng iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa bansa, hindi lahat ay Pilipino ang naglalaro. Karaniwang mayroong foreign players sa team na estudyante naman ng paaralan.

Ngunit sa mga susunod na season ng UAAP at NCAA, mukhang hindi na mapapanood pa ang mga foreign athletes sa anumang laro dahil gustong ipagbawal ni 1Pacman Partylist at house deputy speaker Mikee Romero ang pagsasali ng mga dayuhan sa liga dahil taliwas daw ito sa layunin kung bakit may collegiate games sa bansa.

Larawan mula sa Facebook page ni Cong. Mikee Romero

Inihain ni Romero ang House Resolution No. 388 na naglalayong ipagbawal ang pag-recruit at pagsama ng mga non-Filipino citizens at foreign imports bilang opisyal na manlalaro sa anumang liga o palaro sa mga kolehiyo at unibersidad.

Ayon kay Romero, dahil sa pagdagdag ng foreign players, nalilimitahan ang kakayahan ng mga batang atletang Pinoy na mapaunlad ang kanilang angking husay sa isport dahil madalas ay nakatutok din ang mga unibersidad sa mga dayuhan na madalas ay nagiging star players ng koponan.

“It stops the growth and shortchanges the development of various sports programs in the Philippines,” saad ni Romero  sa kanyang resolusyon na may-ari ng NorthPort team sa PBA.

Dagdag pa ng kongresista, ang hindi magandang performance daw ng Pilipinas sa nagdaang FIBA World Cup ang nag-udyok sa kanya na ihain ang panukala upang mas matutukan pa ang galing ng mga Pilipinong atleta at hindi raw ito tungkol sa pagpanig sa anumang paaralan mula sa UAAP at NCAA.

Inilahad rin ni Romero, na naglaro siya para sa De La Salle University noong kolehiyo, na maliban sa nakaaagaw ng atensyon at panahon ang paglalagay ng mga dayuhan sa isang koponan, mas magastos din daw ito kaysa sa pagkuha ng mga tunay na Pilipino sa liga.

Larawan mula sa Facebook page ni Cong. Mikee Romero

Gayunman, bago pa maisabatas ang panukalang ito ni Romero, nauna nang nagdesisyon ang pamunuan ng NCAA na hindi na sila tatanggap ng foreign players sa susunod na season ng kanilang liga.

Kinuwestiyon naman ng ilang netizens ang desisyong ito ni Romero dahil inihain niya ang batas upang maging naturalized player ng Pilipinas ang Ginebra import na si Justin Brownlee at sinabing kailangan pa daw ng Pilipinas ng mas maraming naturalized player para sa national team.