FEU Chorale at Don Bosco Makati Boscorale, pasok bilang finalists sa Asia Choral Grand Prix 2021




Imahe mula sa Far Eastern University Chorale | Facebook
  • Kwalipikado na ang choral group mula sa FEU at Don Bosco Makati sa darating na Asia Choral Grand Prix 2021 na gaganapin sa Indonesia
  • Pumasok sila bilang finalists matapos magtagumpay sa 4th Andrea O. Veneracion International Choral Festival
  • Susubukan ng dalawang grupo na panatilihin ang titulo sa Pilipinas na ipinanalo ng UPLB Chorale Ensemble

Pasok na bilang finalists sa Asia Choral Grand Prix 2021 sa Indonesia ang choral group mula sa dalawang unibersidad sa Pilipinas.

Imahe mula sa Far Eastern University Chorale | Facebook

Inanunsyo nong ika-6 ng Setyembre na pasok ang Far Eastern University (FEU) Chorale at Don Bosco Makati Boscorale sa regional championships matapos magwagi sa 4th Andrea O. Veneracion International Choral Festival.

Ayon sa ulat ng Good News Pilipinas, makakalaban ng FEU at Don Bosco ang mga nagwagi sa Bali International Choir Festival (BICF) at Singapore International Choral Festival (SICF) sa Asian tri-festival competition na inilunsad nito lamang Hulyo sa Cultural Center of the Philippines sa Maynila.

Ang dalawang grupo mula sa Pilipinas ay inaasahang susungkitin muli ang kampeonato na ipinanalo ng University of the Philippines Los Banos Chorale Ensemble sa naunang edition ng patimpalak.

Nagpahayag naman ang FEU Chorale sa kanilang social media na tinatanggap nila ang hamon upang mapanatili ang titulo sa Pilipinas.

“The Far Eastern University Chorale is humbled to be chosen as one of the representatives for the upcoming 2nd Asia Choral Grand Prix to be held in Bali, Indonesia in 2021. Against all odds, we are going to sing our hearts out through God’s grace.”

Naging pambato na rin ng Pilipinas ang all-male high school choir na Boscorale sa 10th Fukushima Vocal Ensemble Competition sa Fukushima, Japan kung saan inuwi nila ang Youth Choir Equal Voices grand prize.

Imahe mula sa Don Bosco Makati – Boscorale | Facebook

Bukod sa dalawang grupo mula sa Pilipinas, pasok na rin sa Asia Choral Grand Prix sa 2021 ang pambato ng Spain, ang Landarbaso Abesbatza, at ang Tamkang Fluxingers ng Chinese Taipei.

Ang Asia Choral Grand Prix ay isang patimpalak kung saan magtatagisan ng galing ang bawat kampeon sa iba-ibang choral festival sa rehiyon.