Deniece Cornejo pumasa sa isang program sa Harvard University; patuloy ang pagiging Children’s Rights advocate




Larawan mula sa Facebook account ni Deniece Cornejo
  • Abala ngayon si Deniece Cornejo sa pagiging children’s rights advocate
  • Kumukuha siya ng online course sa Harvard University at kamakailan ay nakakuha ng perfect score sa final examination
  • Matatandaang naging matunog ang pangalan ni Cornejo dahil sa insidenteng kinasangkutan nila ng aktor na si Vhong Navarro

Noong 2014, naging matunog ang pangalan ng model at aktres na si Deniece Cornejo. Hindi dahil mayroon siyang bagong proyekto, kung hindi dahil naiugnay siya sa isang sigalot kaugnay sa aktor na si Vhong Navarro. Nauwi ito sa sanga-sangang mga reklamo na inihain ng magkabilang kampo.

Gayunman, kahit nadawit sa isang kontrobersya, nagpatuloy ang buhay para kay Cornejo at ginugol niya ang panahon sa makabuluhang bagay, kabilang ang pagiging advocate ng children’s rights at good governance.

Larawan mula sa Facebook account ni Deniece Cornejo

Bilang pagpapatibay sa kanyang kaalaman bilang tinig ng karapatan ng mga kabataan, minarapat niyang kumuha ng isang online program sa HarvardX; online arm ng Harvard University sa Massachusetts na nagbibigay ng online programs at courses.

Ibinahagi ni Cornejo sa kanyang Facebook account ang nakuha niyang perfect na marka sa final examinations sa online program na Child Protection: Children’s Right in Theory and Practice. Hindi raw biro ang pinagdaanan ni Cornejo upang maipasa ang naturang programa at kinailangan ng puspusang pag-aaral.

“Yes I passed! Got the perfect score in the finals. What they say is true, hard work never betrays. It all pays off in the end. Almost 8 months of sleepless nights and a lot of reading, it finally lead to this,” pagmamalaki ni Cornejo.

Kasabay ng pagpasa sa examination, nakatanggap din si Cornejo ng certificate at scarf mula sa prestihiyosong unibersidad na kinikilala ang husay sa buong mundo.

Dahil daw sa tagumpay na ito, maipagpapatuloy daw ni Cornejo ang pagtataguyod sa karapatan ng mga kabataan sa mundo katulad ng ginagawa sa mga bansang Japan, US, India, at Russia.

Pinasalamatan din ni Cornejo ang mga nagsilbi niyang gabay sa pag-aaral ng isang kurso sa HarvardX.

Larawan mula sa Facebook account ni Deniece Cornejo

Matatandaang naitalaga si Cornejo bilang Ambassador of Goodwill for the youth ng Chivalric Order of the Royal House of Baloi. Naging volunteer din siya ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Sa kasalukuyan, aktibo si Cornejo bilang vice president ng Junior Chamber International Philippines.

Ayon kay Cornejo, nakatakda siyang pumunta sa Harvard University sa susunod na taon.

Source :

Facebook, PEP