Dalaga, ipinagmalaki ang gowns na nilikha mismo ng sariling ama




Imahe mula kay @ToniJPM via Twitter
  • Ipinagmalaki sa Twitter ng isang dalaga ang bagong bestida na tinahi mismo ng kanyang ama para sa kanya
  • Ibinahagi rin ng dalaga ang ilan pa sa mga likha ng kanyang ama mula noong prom niya
  • Isang guro ang kanyang ama at plano nitong magbukas ng shop kapag nagretiro na

Umani ng papuri ang isang ama matapos ipagmalaki ng dalagang anak ang gown na tinahi mismo ng kanyang ama.

Imahe mula kay @ToniJPM via Twitter

Suot ang isang simple ngunit eleganteng bughaw na gown, ipinagmalaki ng isang netizen na si Toni sa pamamagitan ng Twitter, ang talento ng kanyang ama sa pananahi. “Let me just flex my dad and show you all how talented he is. Yes, siya gumawa ng dress ko,” aniya.

Ibinahagi ng dalaga sa kanyang tweet ang mga larawan ng kanyang ama habang tinatahi sa makina ang gown niya. Umani na ng libu-libong likes at retweets ang post niya simula noong ika-7 ng Setyembre.

Marami ang napahanga hindi lang sa kakayahan ng ama niya sa pananahi kundi sa pagmamahal nito bilang isang magulang na handang gawin ang lahat — kahit ang pananahi — para sa kanyang mga anak.

Kuwento pa ng dalaga, noon pa raw iyon ginagawa ng ama niya na isang guro. Libangan lang umano niya ang pananahi ngunit plano nitong gawing negosyo kapag nagretiro na siya sa pagtuturo. Ayon kay Toni, bukod sa kanyang navy blue gown, marami na ring gowns ang nilikha noon ng kanyang ama para sa kanya at sa isa pa niyang kapatid.

“High school teacher si daddy, nagtatahi lang siya ‘pag wala kami masuot na gusto namin ni ate Meg ‘tsaka ‘pag may nakikiusap sa kanya pero balak niya mag-open ng shop one day kapag daw tapos na siya magturo,” paliwanag ni Toni sa isang netizen na nagtanong kung trabaho ba ng ama niya ang pananahi.

Imahe mula kay @ToniJPM via Twitter

Dagdag pa niya, ang daddy niya rin ang nagtahi ng gown niya noong prom at ang isang mermaid gown na gawa sa katya na ibinida niya sa isang patimpalak.

Komento naman ng isang netizen na habang ang iba ay nakasuot ng bestida na may kasamang kumpiyansa, siya naman ay nagsusuot ng bestidang may kasamang pagmamahal. Karamihan naman ay nagpahayag ng paghanga dahil hindi alintana ng ama niya ang kultura ng machismo.

Imahe mula kay @ToniJPM via Twitter
Source :

Twitter, Twitter