Chynna Ortaleza ng 90s show na 5 and Up, nais ibalik ang mga information show para sa mga kabataan ngayon




Larawan mula sa Instagram account ni Chynna Ortaleza at YouTube
  • Nag-post ng throwback photo ang aktres at host na si Chynna Ortaleza tungkol sa kanyang 90s info-tainment show na “5 and Up”
  • Kasunod nito, hiniling niya na sana ay maibalik ang mga ganitong klase ng programa sa telebisyon
  • Malaki raw ang maitutulong nito para maging matalino at aktibo ang mga kabataan ngayon, kabilang ang kanyang mga anak

Bahagi na ng buhay ng mga batang 90s ang iba’t ibang information show. Bago pa man dumami ang mga telenovela, variety show, at Asianovela, sinubaybayan ng maraming kabataan ang mga palabas na angkop sa kanilang edad tulad ng anime at mga informative shows.

Isa sa mga namayagpag na information show para sa mga bata ay ang “5 and Up.” Ang programa ay isang magazine show para sa mga kabataan at mga bata rin ang nagsisilbing host nito. Producer ng show ang batiking journalist na si Cheche Lazaro at isinunod ang format ng “5 and Up” sa sikat niyang investigative program na “The Probe Team.”

Larawan mula sa Instagram account ni Chynna Ortaleza

Si Chynna Ortaleza ang isa sa mga naging host ng “5 and Up.” Bago siya naging kilalang aktres at host, dito niya muna ipinakita ang kanyang angking galing sa harap ng camera. Ito rin ang nagsilbing claim to fame ng aktres kaya nagsunud-sunod ang magaganda niyang proyekto sa showbiz.

Sa kanyang Instagram post, inalala ni Ortaleza ang kanyang “5 and Up” memory sa pamamagitan ng isang lumang larawan kasama ang iba pang host ng show. Kalakip ng throwback picture, ibinahagi ni Ortaleza ang kahalagahan ng mga ganitong uri ng show sa paghubog ng pagkatao ng mga kabataan ngayon.

Hiling ng Kapuso actress, sana ay magkaroon ng mga ganitong palabas sa telebisyon ngayon dahil bilang isang ina, nais niya ring makapanood ang kanyang anak ng makabuluhang programa.

“I wish for children to have this kind of program today. 5 and Up was an amazing show,” bungad ng misis ng singer na si Kean Cipriano.

“I feel so proud when people come up to me and say that they learned so much form the show. Children deserve this kind of program! My kids NEED this,” diin pa ni Ortaleza.

Larawan mula sa Instagram account ni Chynna Ortaleza

Tinapos naman ni Ortaleza ang kanyang post sa pagsasabing hindi siya magiging si Chynna Ortaleza kung wala ang 5 and Up sa kanyang buhay.

Nagkomento rin ang mga dating 5 and Up hosts at showbiz personalities na sina Atom Araullo at Maxene Magalona.

Tulad ni Ortaleza, nais din nila at ng mga iba pang netizens na maibalik nga ang mga ganitong uri ng show dahil madalas na raw nakatutok sa gadgets ang mga kabataan ngayon.