Chill lang muna: Jollibee, naglakad-lakad sa mall, bumisita sa Chowking




Image capture via Kevin David's video
  • Kinaaaliwan ngayon ng social media users ang isang mascot ng Jollibee na naglalakad-lakad sa mall
  • Bumisita rin ito sa Chowking, isang restaurant na nasa ilalim din ng Jollibee Foods Corporation
  • As of posting, nakakuha na ang video ng mahigit 58,000 shares, lampas 62,000 reactions, at halos 1.5 million views

Lahat tayo, kailangan ng oras para sa sarili; saglit na pahinga mula sa napakabilis na ikot ng daigdig. Ganito rin kaya ang dahilan ng isang Jollibee mascot na naglakad-lakad muna sa isang mall?

Image capture via Kevin David’s video

Sa Facebook, kinaaliwan ng netizens ang video ng isang mascot ng Jollibee na nakuhanan ng FB user na si Kevin David na palakad-lakad sa mall. Makikita sa video na sumakay pa ito ng escalator, kumaway-kaway sa mga taong naaaliw sa kanya, at patalon-talon pang naglakad nang makababa ito. Nagawa rin nitong bumisita at tumayo sa harapan ng Chowking, na wholly-owned subsidiary na ng Jollibee Foods Corporation simula noong 2000.

As of posting, nakakuha na ang video ng mahigit 58,000 shares, lampas 62,000 reactions, at halos 1.5 million views.

“Si Jollibee gumagala,” sabi ng social media user na si Angel Anthonette Gaurana Layones.

“Paorder daw ng chao fan,” biro naman ni Yopej Gaucad sa caption ng video na ibinahagi niya sa kanyang account.

“Ba’t ang kulit-kulit mo bubuyog ka? Hahahaha! Sa lahat ng (mascot ng) fast food (restaurant) ikaw lang ang makulit,” naaaliw na wika ni Danica Guzon Saga.

Ilang beses na ring nag-viral ang mga nakatutuwang kilos at gawain ng mga Jollibee mascots na nakukuhanan ng social media users. Naging parang trademark na ng Jollibee mascots ang pagiging bibo at makulit. Talaga namang “beeda” ang saya! Ikaw, may mga kinaaliwan ka na rin bang video ni Jollibee? Nasaksihan mo na ba ang kanyang kakulitan? Ikuwento mo na iyan sa comments section!

I-click ang imahe para mapanood ang video.