Blooming mommy: Mariel Rodriguez-Padilla, ipinasilip ang kanyang maternity pictorial sa ikalawang anak




Larawan mula sa Instagram account ni Mariel Padilla
  • Ibinahagi ni Mariel Rodriguez-Padilla ang kanyang maternity photos na nagpamangha sa netizens at ilang celebrity
  • Ayon sa kanila, blooming si Mariel kahit nagdadalang-tao sa ikalawang anak nila ni Robin Padilla
  • Inaasahang mas maraming larawan pa ang ibabahagi niya sa mga susunod na araw bago magsilang

Kilala ang host at actress na si Mariel Rodriguez-Padilla bilang isa sa mga fashion icon sa industriya. Magiliw ang personalidad ni Mariel na naging bentahe niya sa mga proyektong ginawa niya na talaga namang tumatak sa publiko.

At sa pagdadalang-tao niya sa ikalawang supling nila ng action icon na si Robin Padilla, ipinakita ni Mariel sa kanyang maternity photos na isa siyang blooming mommy.

Larawan mula sa Instagram account ni Mariel Padilla

Sa magkakasunod na Instagram post, ibinahagi ni Mariel ang creative maternity photos niya na talaga namang agaw-pansin. Makikita sa kanyang social media account ang paggaya ni Mariel sa kanyang pictorial sa unang anak na si Isabella. Tatlong taon man ang lumipas nang unang magsilang si Mariel ay nananatili pa rin ang ganda nito.

Hindi tuloy maiwasan ng mga kapuwa celebrity ni Mariel na magkomento sa kanyang pictorial. Gandang-ganda ang model at dating co-host ni Mariel sa Wowowee na si Kelly Misa sa mga larawan niyang suot ang puting gown. Nagpahayag din ng paghanga ang kapuwa mommy influencer at actress ni Mariel na si Neri Naig-Miranda.

Trending din ang mga larawan ni Mariel kung saan ipinakikita niya ang kanyang baby bump habang umaanggulo ng tila isang supermodel. Mayroong black and white at colored sh0ts si Mariel ng mga nasabing pose at nilagyan ng caption ng update sa kanyang kalagayan.

Ipinasilip din ni Mariel ang isang video clip ng ginawang pictorial sa ilalim ng tanyag na photography company na Nice Print.

Kamakailan lamang, nagkaroon ng gender reveal party sina Mariel at Robin para sa kanilang ikalawang anak. Magiging ate ang panganay nilang si Isabella sa baby girl na papangalanan nilang Gabriela.

Larawan mula sa Instagram account ni Mariel Padilla

Habang isinusulat ang balitang ito, nasa third trimester na si Mariel sa kanyang dinadala. Masaya naman si Mariel dahil hindi gaanong mahirap para sa kanya ang pagdadalantao sa ikalawang anak. Matatandaang kinailangang pansamantalang huminto sa showbiz ang maybahay ni Robin upang matutukan ang kalusugan ng kanlang panganay.

Inaasahan ding magbabahagi pa si Mariel ng kanyang mga larawan kasama ang anak na si Isabella at ang asawang si Robin sa mga susunod na araw.