Blogger at dating PCOO Assec. Mocha Uson, itinalaga bilang deputy administrator ng OWWA




Larawan mula sa Philippine Information Agency at OWWA
  • Itinalaga bilang deputy administrator ng OWWA si Mocha Uson
  • Ito ay ilang buwan matapos niyang mabigo bilang representative ng AA Kasosyo
  • Ito na ang ikatlong posisyon ni Uson sa administrasyong Duterte

Balik sa panunungkulan sa pamahalaan ang dating performer at ngayon ay blogger na si Ether Margaux “Mocha” Uson matapos italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sa inilabas na listahan ng mga presidential appointees na pirmado ng pangulo noon pang Setyembre 26, hahawakan ni Uson ang OWWA bilang Executive Director V o deputy administrator na isang ahensya ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Larawan mula sa PTV4

Matatandaang humawak na rin si Uson ng ilan pang posisyon sa pamahalaan sa ilalim ng Duterte administration kabilang ang pagiging board member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at pagiging Assistant Secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Gayunman, nagbitiw sa puwesto si Uson sa PCOO noong Oktubre 2018 upang bigyang daan ang kanyang pagtakbo bilang representative ng partylist na AA Kasosyo. Ngunit bigo si Uson na manalo noong nakaraang eleksyon. Naging aktibo pa rin siya sa kanyang Mocha Uson Blog sa Facebook na kilalang taga-suporta ni Pangulong Duterte.

Dahil sa appointment ni Uson sa OWWA, iba’t ibang reaksyon ang lumabas sa social media. Naungkat ang nasasaad sa konstitusyon na hindi maaaring humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan ang isang natalong kandidato sa eleksyon sa loob ng isang taon.

Ngunit sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi saklaw ng batas ang mga nabigong party list representatives kaya wala silang nilalabag sa pagbibigay ng panibagong posisyon kay Uson.

Larawan mula sa PTV4

Sinang-ayunan naman ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez ang sinabi ni Panelo na hindi saklaw si Uson ng batas dahil partylist representative ito.

Naging maingay ang pangalan ni Uson bilang Assec ng PCOO dahil sa ilang kontrobersyang kinasangkutan nito. Ilan sa mga ito ay ang “pepederalismo” dance kasama ang kapuwa blogger na si Drew Olivar, at ang pagbatikos nito sa ilang miyembro ng oposisyon sa kanyang blog.

Wala pang opisyal na pahayag si Uson sa kanyang appointment habang isinusulat ang balitang ito.