Binatilyong araw-araw binubuhat ng ama papasok sa eskuwela, nakatanggap ng wheelchair




Image capture mula sa Youtube video ng GMA Public Affairs
  • Araw-araw na binubuhat ni Tatay Antonio ang kaniyang anak na si Nunoy papasok ng eskuwela para patuloy itong makapag-aral
  • Ilang mga larawan ng mag-ama ang nag-viral sa social media na siyang umantig sa maraming netizens
  • May nagmagandang-loob din na nagbigay ng wheelchair para pagaanin ang pinapasan ni Tatay Antonio at para na rin maipagpatuloy ni Nunoy ang kaniyang pangarap sa buhay
Imahe mula kay Lisaba Joshua | Facebook

Pinatunayan ni Tatay Antonio na handa siyang gawin ang lahat para sa ikabubuti ng kaniyang pamilya kabilang na ang araw-araw na pagpasan sa kaniyang binatilyong anak maipagpatuloy lamang nito ang kaniyang pag-aaral.

Ilang buwan matapos nilang magviral, itinampok ang kuwento ng mag-ama sa programa ng GMA na Tunay na Buhay. Dito, ibinahagi ng mag-ama ang kuwento sa likod ng kanilang viral na larawan.

Ayon kay Tatay Antonio, nagdesisyon silang maghiwalay ng kaniyang asawa tatlong taong gulang pa lamang ang anak na si Angelito “Nunoy” Sabater. Wala mang mga braso at binti ang anak, sinabi ni Tatay Antonio na kagustuhan ng binatilyo na makapag-aral para matupad niya ang kaniyang pangarap.

Agad naman siyang nagbigay ng suporta sa anak kaya’t tiniis niya ang araw-araw na pagpasan dito sa tuwing ihahatid at susunduin ito sa eskuwela.

Subalit dahil na rin sa marami ang kumilala sa kadakilaan at sakripisyo ni Tatay Antonio, may mabuting loob na nagpaabot ng tulong para pagaanin ang pinapasang problema ng mag-ama.

Nakatanggap sila ng wheelchair mula sa netizen na siyang ginagamit ngayon ni Nunoy para siya ay makapasok sa eskuwela.

Imahe mula kay Lisaba Joshua | Facebook

“‘Nung ‘yung wheelchair ko po noon, wala pa po noon, pinapasan niya po muna ako. Tapos noong may, ‘yun nga po pinicture-an po kami, may nagbigay po ng wheelchair,” ani Nunoy.

Inihahatid pa rin ni Tatay Antonio ang kaniyang anak sa paaralan. Sa pagkakataong ito, hindi na niya pinapasan ang anak dahil may wheelchair na silang ginagamit sa pang-araw-araw na pagpasok ni Nunoy sa paaralan.

Sa edad niyang 16 na taon, pangarap ni Nunoy na makatapos ng pag-aaral at maging isang ganap na computer programmer.

Image capture mula sa Youtube video ng GMA Public Affairs
Source :

Youtube, GMA, Facebook