Best Childhood Memories ng mga Batang 70’s at 80’s




Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila
  • Napabalik-tanaw ang mga batang 70’s at 80’s sa mga larawang naibahagi sa isang Facebook page
  • Mas mainam pa raw ang kabataan noon at ngayon dahil mas maraming panahong maglaro sa labas ng bahay
  • Marami sa mga netizen ang nagbigay ng komento hinggil dito

Isa sa mga pinakamasasayang sandali sa buhay ng isang tao ang pagiging bata. Ito kasi ang panahon kung saan hindi pa masalimuot ang lahat, walang iniisip kundi ang paglalaro, at hindi pa ganap ang mabibigat na responsibilidad. Ito ang mga alaalang kay sarap balik–balikan.

Kaya naman, napabalik-tanaw ang mga netizens sa mga larawang ibinahagi ng Facebook user na si Beverly Ayala sa Facebook page na “Memories of Old Manila” na nagmula naman sa “Pinoy–Noon at Ngayon”. Mga “best childhood memories” ito ng mga batang 70’s at 80’s. Tingnan natin kung makaka–relate ka!

Batang 70’s at 80’s ka kung nilagyan mo ng korteng krus ang namuong pantal sa iyong katawan, kung naglaro ka ng holen sa lupa, nakipaglaro ng teks, inilagay ang pulbo sa isang tinuping papel, ang tila hugis–M na drawing o pagguhit sa ibon, kung naglambitin kang patiwarik sa baras o hawakan sa loob ng jeepney, kung pinisil mo ang palad mo upang malaman ang magiging anak mo, at nagtirintas ka ng sangkatutak sa iyong buhok.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Batang 70’s at 80’s ka kung ginawa mong kuwintas ang tangkay at dahon ng halaman, kung naglaro ka bilang driver at ginawa mong kunwaring sasakyan ang sewing machine, ginawang panandok ang tansan, umakyat sa bakod ng paaralan upang tumakas at magcutting classes, ginawang hikaw ang ugbos ng kaimito, bumili at kumain ng maliliit na kendi na nagpapapula nang labis sa mga labi, nanguha ng mga gagamba at isinilid ang mga ito sa kahon ng posporo upang ipanglaban, at naglaro ng sack race.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Umani naman ito ng reaksyon mula sa mga netizens.

“Mas masaya ang mga kabataan noon, mga friendly at karamihan masipag, compare sa ngayon karamihan tamad at pasosyal.”

“Napakasaya talaga ng kabataan noon, hindi tulad ngayon na puro gadget ang alam. Noon maraming friendship ang nabubuo hindi kagaya ngayon na friends online na lang.”

“Very nostalgic. Dami kong tawa dito. Mas masaya kasi kabataan noon, maraming panahon sa labas para maglaro. Kaya bibihira ang nagkakasakit. Ngayon puro gadgets wala ng exercise.”

Ikaw, anong best childhood memories ang nakapagpapangiti at nakapagpapasaya sa iyo?