Bagong patalastas ng Puregold, nagpapaalala sa nakaraan na mahalaga




Imahe mula sa Facebook page ng Puregold
  • Marami ang naantig sa bagong patalastas ng Puregold supermarket
  • Kuwento kasi ito ng isang lolong nagpapaturo sa apo ng paggamit ng social media at makabagong kagamitan 
  • Kaugnay ito ng pagdiriwang para sa Grandparents’ Day

Naantig ang mga manonood sa bagong patalastas na inilabas ng sikat na supermarket na Puregold na dumarakila sa mga lolo at lola kaugnay ng pagdiriwang para sa “Grandparents Day”.

“Ito ay handog namin para sa paborito at pinakamamahal nating sandalan.. Lolo, Lola, Grandpa, Grandma, Ama, Angkong, Gramps, Granny, Tatang, Mamang, Wowo, Wowa, Kaka, Papang, Inang… Show some love to them by watching this panalo tribute ’til the very end.”

Batay sa naturang patalastas na makikita sa Facebook, makikitang nakukulitan na ang apong si Gio sa madalas na pagtawag at pagpapaturo ng kaniyang lolo kung paano gamitin ang laptop at ang social media tulad ng Facebook at Instagram. Dumating pa sa puntong naaabala na ang mga personal niyang ginagawa dahil sa maya’t mayang pagtawag ng kaniyang lolo.

Imahe mula sa Facebook page ng Puregold

Isang araw, umuwi sa bahay ang apo na mainit ang ulo mula sa trabaho. Muli siyang pinakiusapan ng kaniyang lolo na tulungan siya sa laptop dahil nais nitong manood ng pelikula.

Nainis ang apo at nagpaalam na aalis lamang. Habang nasa loob ng kotse, naalala ng apo ang mga panahong matiyaga siyang tinuturuang magmaneho nito, gayundin ang sinabi nitong “Nandito lang ako sa tabi mo hanggang makuha mo”.

Imahe mula sa Facebook page ng Puregold

Bumalik ang apo sa loob ng bahay at tinabihan ang kaniyang lolo. Tinulungan niya itong mai–adjust ang tunog ng laptop at binitiwan ang linyang “Hindi ako aalis sa tabi mo hangga’t makuha mo”.

Imahe mula sa Facebook page ng Puregold

May tagline ang patalastas na “Dahil nandiyan kayo para laging sandalan, dapat lang na kayo’y parangalan”.

Marami naman sa mga netizens ang naantig at naka-relate sa naturang patalastas. Nagpapaalala ito sa atin na hangga’t kapiling pa natin ang mga pinakamamahal nating lolo at lola, huwag tayong magsawang ipakita at ipadama sa kanila ang ating pagpapahalaga at pagmamahal.

I–click ang larawan sa ibaba upang mapanood ang buong patalastas mula sa opisyal na Facebook page ng Puregold:

Image capture mula sa Facebook page ng Puregold