Award-winning theater actress Lea Salonga sa latest IG post: “I am not always the nicest person”




Larawan mula sa Instagram account ni Lea Salonga
  • Minahal si Lea Salonga hindi lamang dahil sa kanyang talento kundi maging sa pagiging prangka nito
  • Ito ang laman ng isa sa mga Instagram post niya, at sinabing hindi siya laging mabait
  • Tulad raw ng ibang tao, mayroon ding limitasyon ang isang Lea Salonga

Isa sa mga pinakamatagumpay na mang-aawit at aktres sa Pilipinas ay ang Broadway diva na si Lea Salonga. Siya ang tanging Pinay na pinarangalan ng Tony Awards noong 1991 para sa kanyang performance sa stage play na Miss Saigon.

Ilang taon man ang lumipas, aktibo pa rin si Salonga sa showbiz. Kaliwa’t kanan pa rin ang kanyang guesting sa Hollywood, mayroon pa rin siyang mga musical plays na kinabibilangan, at tanyag siya ngayon bilang isa sa mga coaches sa The Voice of the Philippines.

Screenshot mula sa Instagram account ni Lea Salonga

Ngunit maliban sa kanyang talento, kilala rin si Salonga sa kanyang pagiging prangka. Aktibo ang The Voice coach sa kanyang social media accounts kung saan madalas siyang maglabas ng kanyang ideya at opinyon sa ilang napapanahong isyu.

Kamakailan lamang, sa kanyang Instagram account, binigyang-linaw ni Salonga ang kanyang personalidad na kung minsan ay nagdudulot ng pagkalito sa kanyang mga fans at mga kapuwa Pilipino. Sabi niya, hindi naman daw siya ang pinakamabait na nilalang dahil lahat naman daw tayo ay may limitasyon.

“This is me. I don’t always make eye contact. I am not always the nicest person. I am overwhelmed in crowded spaces. I’m leery of strangers. I need personal space or else I can’t breathe. I have my limits. And I’m sure you have yours too,” pahayag ni Salonga kasama ang isang quote tungkol sa personalidad ng isang tao.

Magiliw ang personalidad ni Salonga lalo na sa kanyang TV show na The Voice of the Philippines. Isa siya sa mga coaches na madaling mapahanga ng mga kumakanta. Ngunit may mga panahon sa kanyang social media account na mayroon siyang pinupuna kabilang ang mga nagpupunta sa teatro at konsyerto na panay gamit ng cellphone nila.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Salonga na ang mga laging gumagamit ng cellphone sa mga panooring ito ay walang paggalang dahil dapat daw ituon ang atensyon sa nagtatanghal.

Larawan mula sa Instagram account ni Lea Salonga

“More cellphone users at plays and concerts. You guys have zero manners, zero breeding, zero empathy… Money may get you theater tickets and your state of the art cellphone, but it can’t buy you class,” matapang na pahayag ni Salonga.

Marami naman ang sumang-ayon sa Instagram post ni Salonga tungkol sa limitasyon ng isang tao kabilang ang mga kapuwa celebrity na sina Rica Paralejo at Jed Madela.