ASF na nananalasa ng mga baboy nakapasok na sa Pilipinas




Screenshot mula sa video ng GMA
  • African Swine Fever o ASF nakapasok na sa bansa
  • Ang Rizal at Bulacan ang mga lugar na tinamaan ng ASF
  • Posibleng nakapasok sa bansa ang ASF mula sa mga meat products na inuwi ng mga Pilipino mula sa mga bansang apektado ng sakit ng baboy

Nakapasok na sa bansa ang African Swine Fever (ASF) na nagpalugmok sa hog industry ng maraming bansa ilang buwan na ang nakalilipas. Kinumpirma ng Department of Agriculture na ilang lugar sa bansa ang apektado ng sakit ng mga baboy.

Screenshot mula sa video ng GMA

Sa isinagawang press briefing nitong Lunes, ika-9 ng Setyembre, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na ang tissue samples mula sa mga apektadong baboy mula sa iba’t ibang piggery na ipinadala nila sa ilang laboratoryo sa United Kingdom ay nagpositibo sa ASF.

Aniya, sa dalawampung samples na ipinadala, labing-apat ang nagpositibo.

“We received late last week the laboratory test results coming from the United Kingdom on this test called polymerase chain reaction test. And 20 blood samples have been sent. And out of the 20 blood samples, 14 are positive with African Swine Fever,” pahayag ni Dar.

Bagaman at nagpositibo sa ASF, sinabi ng kalihim ng agrikultura na hindi pa nila alam kung anong uri o strand ng virus ang tumama sa mga baboy sa bansa at kung gaano ito katindi.

“While it is conclusive that it is positive with African Swine Fever, how virulent that virus, we have yet to understand,” saad ni Secretary Dar na nagsabi pa na ang resulta ng intensity ng virus ay sa susunod na linggo pa malalaman.

Screenshot mula sa video ng GMA

Posible umanong nakapasok sa bansa ang ASF mula sa mga meat products na inuwi ng mga overseas Filipino workers mula sa mga bansang apektado ng sakit ng baboy.

Isiniwalat ni Dar na umabot sa 7,416 ang bilang ng baboy na na-depopulate o kinatay dahil sa ASF. Karamihan ay galing sa probinsya ng Rizal at Bulacan.

“7,416 have been depopulated. When I say depopulated, kasama na ‘yung apektado at hindi apektado within the one kilometer radius,” pagbubunyag ni Dar.

“It’s Rizal, mas lalo sa Rodriguez and Antipolo and in Guiguinto, Bulacan,” sagot ng kalihim sa tanong kung anong mga area ang apektado ng ASF.

Imahe mula sa Department of Agriculture

Siniguro naman ni Dar na ligtas pa ring kumain ng karne ng baboy.

Nagsagawa ng boodle fight si Dar, Health Secretary Francisco Duque III at ilang miyembro ng hog industry upang ipakita sa publiko na ligtas kumain ng pork lalo na kung dumaan sa inspeksiyon ng National Meat Inspection Service ang karne.