‘Anatomy of UV Express’: Pasahero, ginawan ng ‘review’ ang bawat puwesto sa loob ng 18-seater ng UV express




Imahe mula kay Jamie Joice Noche | Facebook
  • Dahil sa dalas na pagsakay ng isang pasahero ng UV express, nagawan na niya ito ng review
  • Inilarawan niya ang bawat puwesto sa loob ng sasakyan
  • Itinala rin niya kung saan pinakakomportable at pinaka-hassle umupo

Dahil suki na ang isang netizen sa pagsakay ng 18-seater na utility vehicle o UV express, nagawan na niya ng review ang bawat puwesto sa loob nito.

Imahe mula sa Video ng GMA News | Youtube

Ibinahagi ni Jamie Joice Noche sa Facebook noong ika-28 ng Setyembre ang isang “review” na ginawa niya upang i-rate ang bawat puwesto sa loob ng pampublikong sasakyan. Itinala niya kung saan komportableng umupo at kung saan ang hindi. Tinawag niya itong “Anatomy of a UV Express”.

“Sa halos araw-araw na pagsakay ko sa UV, dami kong naging observations kaya ni-rank ko yung iba’t ibang upuan sa loob ng isang 18-seater UV express,” aniya at sinabing wala siyang magawa kaya niya ito naisipan.

Ayon sa review ni Jamie, “best seat” ang puwesto na nasa harapan at malapit sa pintuan dahil maluwag ang leg space at puwede pang sumandal doon. Bonus din na hindi ka mag-aabot ng bayad at natatamaan pa ng aircon sa puwestong iyon ng UV express.

Ang nasa tabi naman nitong upuan ang sumunod sa listahan. Nakakailang nga lang daw kapag doon ka nakaupo dahil mataas ang puwestong iyon na para bang “you’re on top of the world,” aniya at mahirap din daw matulog kapag doon nakapuwesto.

Pumangatlo naman ang puwesto sa likod ng driver dahil kapag doon ka raw nakapuwesto maaari kang sumandal sa bintana at hindi rin obligadong mag-abot ng bayad. Puwede pa nga raw itaas ang paa. Ang tatlong katabi pa nitong mga upuan ang sumunod sa listahan bilang pang-apat, panglima, at pang-anim ngunit hassle din umano sa dalawang upuan malapit sa pintuan dahil wala masyadong sasandalan ang isa at magiging tagabukas at sara pa ng pintuan.

Imahe mula kay Jamie Joice Noche | Facebook

Nasa pangpito at pangwalo naman ang mga upuang nasa likuran ng naunang hanay sa likod ng nagmamaneho. Masikip nga lang daw sa mga puwestong iyon, kawawa ang binti. Sumunod sa listahan ay ang walong upuan sa likuran kung saan magkakaharap ang apat na pasahero.

Masikip nga lang daw sa parteng iyon ng sasakyan lalo na’t kailangang magkasya ang walong tao sa dalawang magkatapat na mahabang upuan. “Dapat strategic yung legs ninyo para may space para sa lahat,” suhestiyon ni Jamie. Tinawag niya ring “door manager” ang dalawang nasa dulo ng upuan at dapat daw may malakas kang braso kapag doon pumuwesto dahil tiyak na ikaw ang nakatalagang magbukas-sara ng pinto.

Huli sa listahan ang isang upuan sa pangalawang hanay ng mga upuan mula sa driver na malapit sa pinto. Iniisa-isa ni Jamie ang dahilan kung bakit niya ito binansagang “worst seat”.

“Nakabitin ang paa mo kasi walang patungan tapos tagaabot pa ng bayad. Taga-sara ng door kahit ipit na ipit ka na,” ani Jamie. Hindi ka rin daw makakaupo nang maayos sa puwestong iyon.

Imahe mula sa Video ng GMA News | Youtube

Mukhang marami naman ang natawa sa “review” ni Jamie na maaari na ring magsilbing gabay para sa mga pasahero na madalas sumakay ng UV Express. Mayroon na itong 15K likes at 14K shares, isang araw matapos niyang i-post ito sa Facebook.

Source :

Facebook