Anak ng electrician at manikurista isa nang ganap na electrical engineer, top 2 pa sa board exams




Mga imahe mula sa Facebook account nina Arlene Mier at Gerald Mier
  • Hindi inakala ng 21 anyos na si Gerald Mier na isa siya sa mga mangunguna sa board exams dahil nais niya lamang na makapasa at maging ganap na electrical engineer
  • Hindi naging hadlang ang kahirapan sa pagtupad niya sa kanyang pangarap
  • Ang ama niyang electrician ang pinakamalaking inspirasyon ni Gerald upang makamit ang tagumpay

Nais lamang ni Gerald Mier, 21 anyos, na matupad na ang pangarap niyang maging electrical engineer ngunit may mas maganda pa palang plano ang nakaabang para sa kanya.

Imahe mula sa Facebook ni Arlene Magalona Mier

Bukod sa pagpasa sa Electrical Engineering Board Exam, siya pa ang naging top 2 sa nasabing pagsusulit at nagtala ng rating na 92.05.

“Ang alam ko lang makakapasa ako pero ‘yung mag-top, hindi ko ini-expect kasi talagang mahirap ang exam,” aniya. Ikinuwento ni Gerald sa isang ulat ng ABS-CBN na hindi naging madali ang paghahanda niya para sa board exam; isama mo pa ang pagiging kapos niya habang nasa review center sa Maynila.

Ibinahagi sa Facebook ng nakatatanda niyang kapatid na babae ang naging karanasan ni Gerald bago pumasa sa board exam at maging ganap na electrical engineer. “Nairaos ang review sa Manila na halos linggo-linggo nagte-text na barya na lang ang nasa wallet niya. Salamat at nadudugtungan naman ng acapera, sweldo ng mga ate, at smart padala ni mama at papa,” ani April Mier-Manjares.

Ang karanasan niya sa Maynila na marahil ang buod ng kuwento ng kalagayan ni Gerald noong nasa kolehiyo pa siya.

Isang electrician ang ama at manikurista naman ang ina niya. Dahil sa kahirapan, hindi naging madali ang pagpapaaral kay Gerald ng mga magulang niya kaya nang nalamang pumasa siya at nanguna pa siya sa pagsusulit ay hindi nila naiwasang maging emosyonal.

Imahe mula sa Facebook account ni Gerald Magalona Mier

Hindi naman binigo ni Gerald ang mga magulang niya dahil isa itong consistent dean’s lister at nagtapos bilang cum laude sa Bicol University.

Ayon kay Gerald, ang ama niya mismo ang inspirasyon niya para maging electrical engineer dahil bata pa lang siya ay isinasama na siya nito sa trabaho niya. At ngayong isa na siyang ganap na electrical engineer, wala siyang ibang nais kundi ang masuklian ang sakripisyo ng pamilya niya sa kanya.