Anak na mapagmahal, nagpagawa ng bahay base sa blueprint ng dream house ni tatay




Images via Randy Oliverio | Facebook
  • Ipinatayo ng mapagmahal na anak na si Randy Oliverio ang dream house ng kanyang ama
  • Kuwento ni Oliverio, noong bata siya ay madalas niyang nakikita ang ama na gumagawa ng blueprint ng dream house nito
  • Naging property specialist si Randy at sa loob ng limang taon ay naipagawa ang dream house ng kanyang tatay

“Ito na ang huling beses na makikita ko ang bahay namin na maraming tapal dahil sa butas,” pangako ni Randy Oliverio sa kanyang sarili; isang pangako na pinagsikapan, isang pangako na unti-unti niyang tinupad sa loob ng limang taon.

Image via Randy Oliverio | Facebook

Taong 2014 noong sabihin ni Randy sa sarili niya na gagawin niya ang lahat para hindi na sila muling tumira sa isang tagpi-tagping bahay na sa dami ng butas ay waring umuulan din sa loob tuwing umuulan sa labas nito.

Sa loob ng limang taon ay unti-unti niya itong ipinagawa. Ngayon ay malapit nang matapos ang pagpapaayos ng simpleng bahay na minana ng kanyang ama sa mga magulang nito.

Ang inspirasyon? Ang blueprint ng dream house na gawa mismo ng tatay niya. Aniya, noong bata siya ay ilang beses niyang nakita ang ama na iyon ang pinagkaabalahan.

“Pangarap talaga ng papa ko na maging two-story na my terrace ang bahay namin na tinitirahan, na minana pa n’ya sa magulang n’ya. Bata pa lang ako ay lagi kong nakikita papa ko na gumagawa ng blueprint ng dream house n’ya. Siguro mga tatlong beses ko siya nakita na gumagawa ng layout sa dream house n’ya. And praise God! Ang pangarap ng papa ko noon ay hindi na lang sa drawing ngayon kasi naging makatotohanan na. Nakulayan din sa wakas!” aniya.

Lahat daw halos ng kita niya ay ginamit niya para mapaayos ang bahay. Madalas nga raw siyang sabihan ng kanyang mga kaopisina na hindi magandang unahin ang pag-i-invest sa bahay at mas mainam daw kung negosyo muna. Batid niya raw na tama sila ngunit mas pinipili niya lang talaga na unahin ang pangarap na bahay para sa kanyang pamilya.

Images via Randy Oliverio | Facebook

Kuwento niya, “May isang successful person ako na narinig…sabi n’ya, siguro kung buhay pa ang magulang n’ya ngayon, lahat ng gustong kainin ibibigay n’ya; lahat ng hilingin, kung kaya, ay ibibigay n’ya. Siguro ngayon daw pinatayuan n’ya ng maayos na bahay kahit mansion pa. Kaso hindi na inabot ng magulang n’ya ‘yong pag-succeed niya.”

“Gusto ko ibigay sa magulang ko ‘yong gusto nilang pagkain na kaya pa nila lasahan at nguyain dahil hindi pa bawal. Gusto ko rin mapuntahan nila ‘yong ibang lugar na kaya pa nilang i-enjoy habang naglalakad. Gusto ko ma-enjoy nila ‘yong akyat-baba sa second floor ng bahay na pangarap nila, na hindi pa sumasakit ang tuhod…. Iba rin pala ‘pag pamilya or magulang mo ang naging inspirasyon mo kasi binibigay talaga ni Lord,” pagpapatuloy niya.

Nakaka-inspire ang kanyang kuwentong dream house, ‘di ba?