Alex Calleja sa sulat na naipadala sa kanya ng car company: “Akala ng misis ko naka-park ang kotse sa ibang bahay!”




Larawan mula sa Facebook account ni Alex Calleja
  • Nakatanggap daw si Alex Calleja ng sulat mula sa isang car company patungkol sa isang sasakyang hindi naman kanya
  • Imbes na mainis, idinaan na lamang ng komedyante sa isang kwelang Facebook post ang sagot sa car company
  • Trending naman ito ngayon at nakakuha ng libo-libong reactions, comments, at shares

Pinatunayan ni Alex Calleja na may karapatan talaga siyang tawaging “funniest person in the world.” Nang makatanggap siya ng sulat mula sa isang international car company kaugnay sa ‘pagbawi’ ng isang unit ng sasakyang hindi naman daw niya pagmamay-ari, imbes na uminit ang ulo, ay idinaan na lang niya ito sa biro.

Ayon sa viral Facebook post ni Calleja, sumulat daw sa kanya ang isang car company dahil binabawi ang isang Ford ranger/Everest dahil daw sa depektibo ang unit na ito. Iyon nga lang, gustuhin man ni Calleja na magmay-ari ng isang Ford na sasakyan, ay wala naman daw siyang ganitong klase sa kanyang garahe.

Larawan mula sa Facebook account ni Alex Calleja

Sabi ng standup comedian at manunulat, nabigla daw siya sa sulat at maging ang misis niya — na inuusisa raw siya ngayon dahil baka may itinatago siyang Ford Everest sa ibang bahay.

Nakatanggap ako ng safety recall notice dahil defective daw ang ford ranger/everest ko… nag-worry ako dahil wala naman akong ford ranger/everest!” sabi ni Calleja na isang writer sa noontime show na It’s Showtime.

At ngayon, inaaway ako ng misis ko dahil bakit daw ako may ford ranger/everest na hindi niya alam! Baka raw naka-park sa ibang bahay! Baka may bahay din daw siyang hindi alam!” biro ni Calleja.

Sinabi pa niya sa liham na sa susunod, nawa ay hindi na magulo ng car company ang pagsasama nila ng asawa dahil sa maling sulat.

Biro pa ng komedyante, dahil sa pagdududa ng kanyang misis, sa kanyang sasakyang Honda civic daw siya natulog kinagabihan.

Tuwang-tuwa naman ang netizens sa hirit na ito ni Calleja at umabot na sa 67,000 reactions, 3,200 comments, at 13,000 shares.

Larawan mula sa Facebook account ni Alex Calleja

Wala pa namang sagot ang car company at wala pa ring update si Calleja kung sinagot na ba ng car company ang kanyang online post.

Noong 2016, napasama sa Final 5 ng patimpalak na “Funniest Person in the World” si Calleja na ginanap sa Levi, Finland. Naiuwi niya ang first runner-up award at nag-uwi ng $10,000 prize money. Ito rin ang naging claim to fame niya upang maging isang TV at movie personality bukod sa pagiging television writer.