Alamin ang mga tulong na maaaring makuha mula sa PCSO at kung paano ito iproseso




Larawan mula sa Facebook page ng PCSO
  • Maraming tulong ang maaaring makuha mula sa PCSO
  • Mayroong mga requirements at prosesong kailangang gawin at kumpletuhin para makakuha ng ayuda
  • Maaaring makakuha ng libreng gamot, medical devices, at pambayad sa ospital

Kaagapay ng mga Pilipinong nangangailangan ng tulong-pangkalusugan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng palaro, nakalilikom ang PCSO ng pondo na inilalaan naman sa pagtulong sa mga kababayan nating kapos sa badyet pampagamot.

May iba’t ibang ayuda ang maaaring ibigay ng PCSO sa mga Pilipino. Basta’t pasok sa kwalipikasyong hinahanap nila at makapagpapasa ng mga kaukulang requirements, ay tiyak na makakakuha ng tulong mula sa ahensiya.

Larawan mula sa Facebook page ng PCSO

Tulong para sa gamot

Kung kulang sa pambili ng gamot o kailangang gamutin ang isang karamdaman nang matagalan, tumutulong ang PCSO para makakuha ang pasyente ng mga ito.

Kailangan lamang magbigay ng letter of request mula sa may karamdaman o sa kaanak na naka-address sa chairman o general manager ng PCSO. Kasama nito ay ang orihinal o certified true copy ng medical abstract na may lagda ng doktor kasama ang license number nito. Huwag ding kalilimutan ang reseta ng na pirmado ng doktor. Kailangan din ng ID ng nagre-request ng tulong na mayroong pirma nito.

Pambayad ng bill sa ospital

Kung kapos naman sa pambayad sa ospital, maaari ding manghingi ng tulong sa PCSO. Kailangan pa rin ng letter of request na naka-address sa chairman o general manager ng PCSO, certified true copy o orihinal na medical abstact na may license number at pirma ng doktor.

Isasama rin ang statement of account o bill sa ospital na certified ng billing officer o credit supervisor ng ospital. Panghuli ay ang endorsement letter mula sa social service o sa collection office ng ospital.

Larawan mula sa Facebook page ng PCSO

Implant/prosthetics, wheelchair, at hearing aid requests

Nagbibigay din ng tulong ang PCSO sa iba’t ibang medical implants and devices sa isang pasyente. Kung nais ng wheelchair o prosthetics, kailangan ng orihinal o certified true copy ng medical abstract o medical certificate na pirmado ng doktor at may license number nito. Kung wheelchair, kailangan ng specifications ayon sa doktor at presyo nito mula sa dalawang magkaibang kompanya. Magsumite rin ng whole body picture ng pasyenteng nangangailangan ng medical devices.

Kung hearing aid naman ang kailangan, magpasa lamang ng letter of intent na naka-address sa chairman at general manager ng PCSO. Kailangan din ng orihinal na kopya ng audiological evaluation report na may pirma ng audiometrist. Mayroon din dapat isa o dalawang price quotations mula sa hearing aid centers, at photocopy ng ID ng taong nagre-request ng hearing aid.

Laboratory at diagnostic procedures

Katulad ng mga naunang requests, kailangan din ng letter of intent na naka-address sa chairman o general manager ng PCSO, medical abstract na may pirma at license number ng doktor, pirmadong letter of request mula sa doktor, photocopy ng ID, at halaga ng diagnostic procedures na kailangan.

Habang isinusulat ang artikulong ito, ang chairman ng PCSO ay si Anselmo Simeon Pinili, habang ang general manager naman ay si Alexander Balutan.

Source :

PCSO, Facebook