Alagang pusa “with manners” namataan na marunong gumamit ng banyo




Imahe kuha mula sa video ni Nyx Delabahan
  • Nakuhanan ng video ng isang netizen ang kanilang alagang pusa habang ito ay gumagamit ng inidoro
  • Imbes na sa labas ito dumumi, ang pusa ay nasa loob mismo ng banyo ng kanilang bahay at nakapatong pa sa inidoro
  • Manghang-mangha ang uploader ng video na noon lang nalaman ang ganoong ginagawa ng kanilang alagang pusa
Imahe kuha mula sa video ni Nyx Delabahan via Facebook

Karaniwang ang mga alagang hayop tulad ng aso at pusa ay hinahayaan na lamang ng kanilang mga amo sa loob ng kanilang tahanan.

Ang iba pa nga ay kasabay nilang kumain sa hapagkainan ang kanilang mga alaga, habang ang iba naman ay kasama itong matulog sa kanilang mga kama.

Hindi tulad ng ibang hayop, ang mga alagang aso o pusa ay pinapanatiling malinis ng kanilang mga amo lalo na at ang mga ito ay kasama nila sa loob ng bahay. Kanilang pinaliliguan ang mga alagang aso o pusa at ang mga amo rin ang naglilinis kapag ang mga ito ay dumurumi sa loob ng tahanan o maski sa labas.

Ngunit paano kung ang alagang hayop ay marunong gumamit ng palikuran sa tamang pamamaraan nang walang tulong maski ng kanilang amo?

Ito ay napatunayan ng isang viral video ngayon sa Facebook kung saan ay makikita ang isang alagang pusa habang ito ay nasa loob ng banyo.

Ang video na ito na in-upload ng netizen na si Nyx Delabahan ay mayroon nang mahigit 33k reactions at 30k shares.

Ayon kay Delabahan, ang video na ito ay kaniyang nakuhanan noong siya’y umuwi sa kanilang probinsya sa Gumaca, Quezon.

Ang pusa sa video na may pangalang “Miming Puninay” ay alaga umano ng kaniyang nanay.

Imahe kuha mula sa video ni Nyx Delabahan via Facebook

Laking gulat umano ni Delabahan nang makita niya si Miming Puninay sa loob ng banyo kaya agad niya itong kinuhanan ng video.

Makikita si Miming Puninay habang ito ay nakabukaka at nakasampa sa inidoro habang dumudumi.

Nakatutuwang pagmasdan ang pusa habang pilit nitong inilalabas ang kaniyang dumi. Pagkatapos ay tila sinilip pa ni Miming Puninay ang mga inilabas sa loob ng inidoro.

Manghang-mangha naman si Delabahan at tinawag niya itong “pusa with manners” dahil hindi tulad ng ibang pusa, ito ay marunong gumamit ng tamang palikuran.

Marami ring mga netizens ang tuwang-tuwa kay Miming Puninay, at hinihiling ng iba na sana ay maturuan din nila ang kanilang mga alagang hayop ng tamang paggamit ng palikuran.

Panoorin ang video ni Miming Puninay dito:

Source :

Facebook, YouTube