Luto na? Ad ng corned beef sa isang bus sa EDSA, naluto na raw dahil sa usok na lumalabas mula sa sasakyan




Larawan mula sa Willard Nayve
  • Viral ang isang video ngayon sa Facebook ng isang bus na umuusok ang likod
  • Ngunit imbes na maalarma, napagkatuwaan pa ito at sinabing luto na ang corned beef ad sa likod ng bus
  • Umaabot na sa 40,000 ang reactions nito sa social media kahit sandali pa lamang naka-upload

Patuloy ang pagdagsa ng mga kakaiba at kwelang karanasan ng mga commuter sa social media. Dahil madalas ay usad-pagong ang mga kalye sa bansa, nagkakaroon ng pagkakataon ang maraming Pilipino na kuhanan ng video o larawan ang mga nakaka-good vibes na eksena sa lansangan.

Isa na rito ang video na inupload sa Facebook ng isang Willard Timog Nayve na hindi inaasahan ng isang bus na ‘makapagluto’ ng corned beef sa kahabaan ng EDSA.

Larawan mula sa Willard Nayve

Marami ang natuwa at natawa sa video ni Nayve kung saan makikita ang mga nakahintong sasakyan sa EDSA-Quezon Avenue dahil traffic. Napansin ni Nayve ang isang bus na umuusok ang bandang likuran sa ‘di pa malamang rason. Nataon namang isang corned beef ang nasa advertisement sa likuran ng sasakyan at naluluto na raw ito dahil sa usok mula sa bus.

“Luto na yung corned beef mo! Luto na yung corned beef nausok na eh!” sabi ni Nayve na siya ring kumukuha ng video.

Maririnig din sa paligid ang pagtawa ng ibang nasa kalye na tila sumasang-ayon kay Nayve na naluluto na nga ang ad ng corned beef sa likod ng bus na biyaheng Pacita Complex papuntang Navotas City.

Tumagal lamang ng 30 segundo ang video sa Facebook pero bentang-benta ito sa mga netizens at isang araw pa lamang naka-upload, umabot na sa 40,000 reactions, 8,900 comments, at 62,000 shares.

Kanya-kanyang tag ang mga netizens sa kanilang mga kapamilya at kaibigan upang ibahagi ang good vibes na dala ng video.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Maliban sa nakakatawang ‘pagluluto’ ng corned beef sa usok mula sa bus, kinatuwaan din ang punto ng lalaking kumukuha ng video.

Gayunman, may ilan ding mga netizens na nabahala sa pag-usok ng bus. Sabi ng ilan, inuna pa raw ng kumuha ng video ang pagpapa-trending kaysa sabihan ang driver at konduktor ng bus sa nangyayari sa sasakyan.

Hindi naman malinaw kung ano na ang nangyari sa bus at kung ano ang sanhi ng pag-usok ng likurang bahagi nito.