2 Pinay weightlifters nag-uwi ng 6 medalya mula sa Indonesia




Imahe mula kay Richard Agosto via Philippine Athletes at Multi-Sport Event Facebook Page
  • Dalawang atletang Pilipina ang nag-uwi ng tatlong gold at tatlong bronze na medalya mula sa 2nd Indonesia International Weightlifting Championships
  • Nangibabaw ang dalawang Pinay weightlifter sa Women’s Junior 45kg division
  • Kabilang sila sa mga kabataang Pilipino na hinuhubog upang sumunod sa yapak ni Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz

Patuloy ang pag-angat ng galing ng Pilipino!

Imahe mula kay Richard Agosto via Philippine Athletes at Multi-Sport Event Facebook Page

Ito ay matapos sungkitin ng dalawang Pinay junior weightlifters ang tatlong gold at tatlong bronze na medalya mula sa 2nd Indonesia International Weightlifting Championships para sa mga kabataang weightlifters.

Ayon sa Philippine Athletes at Multi-Sport Event, nangibabaw ang dalawang Pinay junior weighlifter na si Ericka Dehitta at Chariz Macawili sa Women’s Junior 45kg division nang parehong tanghalin na gold at bronze medalists.

Nag-uwi ng tatlong gintong medalya sa snatch, clean & jerk, at total si Dehitta. Nasungkit naman ni Macawili ang tatlong bronze medalya. Ang isa pang atletang Pilipina na si Lovely Inan ay nag-uwi rin ng karangalan para sa bansa bilang 4th placer sa Women’s Youth 40kg division.

Ang tatlong atleta ay hinuhubog upang sumunod sa yapak ng Pilipina weightlifter at Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz. Nagsasanay sila sa ilalim ng programa na Pep Project Weightlifting na pinangungunahan ng dating national weightlifting team member Richard “Pep” Agosto na kamakailan ay nag-uwi rin ng pilak mula sa IWF Worlds Master Weightlifting Championship 2019 sa Montreal, Canada.

Layunin ng programa na humubog ng mga weightlifters na magdadala ng karangalan sa bansa katulad ni Diaz.

Imahe mula kay Richard Agosto via Philippine Athletes at Multi-Sport Event Facebook Page

Ang tagumpay ng mga batang atletang sina Dehitta, Macawili, at Inan ay may dalang pag-asa na may nakaabang tayong magpapatuloy ng karangalan na sinimulan ni Diaz at ng iba pang dekalibreng Pinoy weightlifters.