Yamyam Gucong, itinanghal na Ultimate Big Winner ng Pinoy Big Brother: Otso

Imahe mula sa official Instagram account ng Pinoy Big Brother
  • Si Yamyam Gucong ang Ultimate Big Winner ng “Pinoy Big Brother: Otso” 
  • Naging madamdamin ang kanyang pasasalamat sa kanyang pamilya, kaibigan, at mga tagasuporta
  • Ginanap ang grand finals night sa Imus, Cavite nitong Linggo ng gabi, Agosto 4, 2019.

Itinanghal na ‘Ultimate Big Winner’ ng reality show na “Pinoy Big Brother: Otso” ang “Iskulit Bai ng Bohol” na si Yamyam Gucong matapos ang grand finals night na ginanap sa Imus, Cavite nitong Linggo ng gabi, Agosto 4, 2019.

Nakakuha ng 58.52 percent ng total number of public votes si Yamyam; sapat upang tanghalin siyang Big Winner ng katatapos na edition ng PBB. Nagmula si Yamyam sa ikalawang batch ng adult housemates na pumasok sa “Bahay ni Kuya”.

Imahe mula sa official Instagram account ng Pinoy Big Brother

Makabagbag–damdamin naman ang naging pahayag ni Yamyam pagkalabas niya sa loob ng chamber kung saan doon sila namalagi ng tatlo pang adult housemates na napabilang sa Big Four na sina Kiara Takahashi, Lou Yanong, at Andre Brouillette. Nagpasalamat siya sa suportang ipinamalas ng taumbayan.

“Maraming, maraming salamat po. Sobrang saya ko po ngayong gabi dahil nasa inyong harapan ang ultimate big winner na si Yamyam!” bulalas ng ultimate big winner.

Dagdag pa niya: “Napatunayan ko na sa aking sarili na kahit sa kahirapan, kaya nating bumangon sa buhay. Kaya nating humarap sa ano mang hamon sa buhay. Maraming maraming salamat at hindi po ako nag-iisa.”

Nagwagi ng P2-milyon, isang condominium unit, negosyong water refilling station package, at marami pang iba si Yamyam.

Si Kiara Takahashi naman ang 2nd Big Placer matapos makalikom ng 30.29 percent ng total number of public votes. Bitbit niya ang P500,000 at susi ng isang condominium unit bilang premyo.

Si Lou Yanong naman ang 3rd Big Placer na nakakuha ng 8.28 percent of votes, habang ang kanyang kasintahan na si Andre Brouillette ang 4th Big Placer na may 2.91 percent of votes.

Imahe mula sa official Instagram account ng Pinoy Big Brother

Sumalang naman sa hot seat at fast talk ang Ultimate Big Four kay “King of Talk” na si Boy Abunda upang makatulong sa taumbayan sa pagpili at pagboto sa karapat–dapat na mailuklok bilang Ultimate Big Winner.

Pagbati sa iyo, Yamyam! Inaasahan naming maraming pinto at bintana ng oportunidad ang magbubukas para sa iyo!