Willie Revillame, nag-aaral magpalipad ng helicopter para makatulong sa panahon ng sakuna

Imahe mula sa Wowowin Facebook page
  • Bukal sa kalooban ni Willie Revillame ang pagtulong sa mga tunay na nangangailangan
  • Ang pagtulong na iyon ay higit niyang napararating sa masang Pilipino sa pamamagitan ng Wowowin
  • Nag-aaral na rin siyang magpalipad ng helicopter para makatulong sa panahon ng sakuna

Isa sa mga hobbies ni Wowowin TV host Willie ‘Kuya Wil’ Revillame ay ang magpalipad ng helicopter. May dalawa itong helicopter na madalas umano niyang pagpraktisan.

Sa isang report ng Pep, ibinahagi ni Kuya Wil ang isa sa mga importanteng dahilan kung bakit niya ninais na matutong magpalipad ng helicopter. Nais niyang makatulong sa mga kapuwa niya Pilipino sa panahon ng sakuna.

Imahe mula sa Wowowin Facebook page

“Who knows, in the future, huwag naman sana, kulang ng piloto, makatulong ako sa emergency. Kung may mga disaster, I can help,” sabi ni Willie sa panayam habang ito ay nasa Singapore para sa contract signing ng Wil2Play mobile app na magsisilbing extension ng Wowowin.

Sa kasalukuyan, kumukuha si Willie ng helicopter flying lessons. Dadaan din siya sa mahigpit na pagsusuri ng Civil Aviation Authority of the Philippines bago makakuha ng personal license bilang piloto.

Isa ring bukas na libro ang kuwento ng buhay ni Kuya Wil na masasabing ‘from rags to riches,’ Ito rin ang kaniyang inspirasyon kung bakit siya patuloy na tumutulong sa mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng kaniyang pang-masang game show.

Kapag lisensiyado na bilang piloto, maaaring magamit umano ni Kuya Wil ang kaniyang mga natutunan upang maghatid ng pagkain, gamot, at relief goods sa mga masasalanta ng bagyo sa hinaharap. Kaya niya iyong gawin para lang makatulong.

“Ang sarap ng tumutulong ka nang taos sa puso. Ang sarap ng nagbibigay ka nang wala kang hinihinging kapalit. Ang sarap nang hindi ka ibinoboto para manalo kasi dito, iboto ka man o hindi, laging may panalo,” sabi pa ni Kuya Wil.

Imahe mula sa Wowowin Facebook page

Binigyang-linaw rin ng TV host comedian na hindi siya papasok sa politika. Kontento na umano siya sa pagtulong sa mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng kaniyang game show.

“Hindi ako into politics. Maraming sikat sa pulitika, may mga pangako pero nasa kanila na ‘yon. Pero kasi ako, ang feeling ko, dito lang ako talaga kasi kapag tumakbo ako, papaano yung Wowowin,” paliwanag nito.

Mabuhay ka, Kuya Wil! Sana ay patuloy ka pang makapaghatid ng tulong at saya sa masang Pilipino!

Source :

Pep, GMA News