Walong celebrities, kinilala bilang ‘women of influence’ ng Cosmo




Imahe mula sa Facebook page ng Cosmopolitan Philippines
  • Walong celebrities ang kinilalang influencer ng Cosmopolitan Philippines
  • Bukod sa mga ambag sa showbiz industry, ang walong “women of influence” ay may naiaambag din sa ating lipunan
  • Ang pagkilalang ito ay pagtataguyod din sa lahat ng Pilipina

Ang mga taong may nagagawang kabutihan, nakapaghahatid ng mga positibong kaisipan, at nakaiimpluwensiya sa ating mga desisyon ay tinatawag na “influencer.”

Sa Pilipinas, may mga female celebrities na itinuturing na influencer na hindi lamang dahil sa kanilang kontribusyon sa showbiz industry kundi sa iba’t ibang larangan ng buhay.

Imahe mula sa Facebook page ng Cosmopolitan Philippines

Kaugnay rito ang idinaos na Cosmo Women of Influence; isang event ng Cosmopolitan Philippines kung saan walong “women of influence” ang kanilang kinilala. Ito ay sina Angel Locsin, Alyssa Valdez, Bianca Gonzalez, Heart Evangelista, Kevin Balot, Kylie Verzosa, Mich Dulce, at Solenn Heussaff.

Si Angel ay kinilala bilang “The Pioneer.” Kahanga-hanga ang mga pagsisikap ng aktres sa mga kawanggawa. Aktibo rin siyang nakikilahok sa mga usaping may kinalaman sa mga isyung panlipunan at hindi siya natatakot na magpahayag ng saloobin.

Ang volleyball player na si Alyssa ay kinilala bilang “The Trailblazer.” Itinaas niya ang dangal ng mga babaeng atleta sa larangan ng volleyball.

“The Storyteller” naman ang ibinansag kay Bianca. Siya ay aktibo sa pagbabahagi ng mga video sa social media na nakapagbibigay ng mga aral sa buhay.

Si Heart naman ay kinilala bilang “The Protector” dahil sa panawagan nito sa mga tao na mag-adopt kaysa bumili ng mga strayed animals. Mayroon din siyang ipinagagawang animal welfare facility sa Sorsogon.

Isang transgender woman naman si Kevin na kinilala bilang “The Conversation Starter.” Nanalo na rin siya bilang Miss International Queen noong 2012. Kasalukuyan niyang isinusulong ang mga karapatan ng mga LGBTQIA.

Ang Miss International 2016 na si Kylie ay kinilala naman bilang “The Role Model.” Siya ang founder ng Mental Health Matters na isang organisasyon para sa mga nakararanas ng iba’t ibang suliranin sa kalusugang mental.

“The Educator” ang ibinansag naman sa fashion designer at activist na si Mich. Itinatag niya ang Grrrl Gang Manila na isang platform na layuning makabuo ng isang ligtas at walang panghuhusga na mundo para sa mga kababaihan.

Imahe mula sa Facebook page ni Solenn Heussaff

Ang aktres at visual artist na si Solenn ay kinilala bilang “The Visionary.” Sa kaniyang mga likhang-sining ay naipakikita niya ang iba’t ibang mukha ng mga Pilipino na nagbibigay ng inspirasyon kung gaano natin dapat ipagmalaki ang ating lahi.

Sa walong influencer, sina Angel at Kylie ang hindi nakadalo sa mismong event.