Wacky Kiray, ipinasilip ang kanyang 4 na palapag na bahay; ibinahaging bunga ito ng pagsisikap sa showbiz




Larawan mula sa Instagram post ni Wacky Kiray
  • Proud ang komedyante si Wacky Kiray na naipatayo na niya ang kanyang dream house
  • Apat na palapag ang bahay na bunga raw ng pagsisikap niya sa showbiz
  • Pinasalamatan din ng komedyante ang mga taong tumulong sa kanya para magkaroon ng big break

Isa sa mga hinahangaang komedyante ngayon si Wacky Kiray. Mula sa pagpapasaya sa mga comedy bars, ngayon ay naibabahagi na rin niya ang talent sa pagpapatawa sa telebisyon at pelikula. Dahil sa tagumpay na tinatamasa, natupad na ni Wacky ang isa sa mga matagal ng pangarap — isang bagong bahay.

Sa Instagram post ni Wacky, ibinahagi niya ang mga larawan ng kanyang apat na palapag na bahay sa Quezon City na bunga raw ng kanyang pagsisikap sa showbiz sa nakalipas na dalawang taon.

Madamdamin ang post ni Wacky sa kanyang account tungkol sa kanyang mga pinagdaanan bago naipatayo ang dream house ng kanyang pamilya. Sabi ni Wacky, nang manalo raw siya sa reality show na ‘I Can Do That’ noong 2017, sinigurado niyang maipatatayo na niya ang pangarap nilang bahay mula sa premyo niya sa show.

Larawan mula sa Instagram post ni Wacky Kiray

Ngunit hindi rin inaasahan ni Wacky na matapos niyang manalo sa nasabing contest ay magtutuluy-tuloy ang mga proyektong ibibigay sa kanya ng ABS-CBN kaya naman ang simpleng tahanan na gusto niyang ipatayo, ay naging isang bonggang bahay na ngayon.

“Nang manalo ako sa I Can Do That last June 2017, ipinangako ko na ilalaan ko ang perang napanalunan para makabili ng bahay. At dahil sa lahat ng programang aking kinabilangan sa ABS-CBN, sa mga producers at bookers na patuloy na niniwala sa aking kakatahan… sa wakas naisakatuparan ko rin siya,” bungad ni Wacky sa kanyang IG post na mayroon nang higit 21,000 reactions.

Hindi rin nakalimutan ni Wacky ang mga tumulong sa kanya upang maabot ang tagumpay na tinatamasa sa kasalukuyan, kabilang ang ina-inahang si Vice Ganda na nagbukas umano ng pinto sa kanya para magkaroon ng break sa TV.

Nagpasalamat din siya sa host ng kinabibilangang hit game show na ‘I Can See Your Voice’ na si Luis Manzano na kalaunan ay naging matalik niya na ring kaibigan. Binigyan pa siya nito ng bagong ref habang nakatanggap naman siya ng isang bagong center table mula sa direktor niya sa Banana Sundae na si Bobot Mortiz.

Larawan mula sa Instagram post ni Wacky Kiray

Makikita rin sa post ni Wacky ang iba’t ibang bahagi ng kanyang 50 square meters na bahay kabilang ang pantry, kusina sa ikalawang palapag, walk-in closet, ang balcony sa bawat floor ng apat na palapag na bahay.

Marami naman ang humanga sa komedyante at sinabing isa siyang inspirasyon sa marami na lahat tayo ay mayroong pagkakataong umunlad at matupad ang ating mga pangarap.