Team nina Kim Chiu at Julia Barretto, nagharap sa isang volleyball match




Larawan mula sa Tribunelife at Star Magic
  • Nagpahinga muna sa showbiz ang mga Kapamilya Stars na sina Kim Chiu at Julia Barretto at naglaro sa ABS-CBN All-Star Games 2019
  • Team Red si Kim Chiu habang Team Blue naman si Julia Barretto kasama ang ilang Kapamilya stars at volleyball stars
  • Bandang huli, si Kim Chiu at Team Red ang nagwagi sa friendly volleyball match up

Naganap ang paghaharap ng dalawang babaeng naiugnay sa aktor na si Gerald Anderson —sina Kim Chiu at Julia Barretto— sa isang star-studded volleyball match bilang bahagi ng ABS-CBN All-Star Games 2019.

Team Red ang pinamunuan ng Chinita Princess na si Chiu kasama ang volleyball stars na sina Jia Morado ng Creamline Cool Smashers at Eya Laure ng University of Santo Tomas. Bahagi rin ng Team Red ang iba pang Star Magic artists na sina Dalia Varde, Gillian Vicencio, Yasmyne Suarez, Chie Filomeno, Nikki Valdez, Analain Lim, at Vivoree Esclito.

Larawan mula sa Tribunelife

Pinangunahan naman ni Barretto ang Team Blue na kinabibilangan ng Ateneo de Manila University athlete-turned-host na si Gretchen Ho at veteran player ng Far Eastern University na si Carly Hernandez. Naglaro din sa koponan ni Barretto ang mga Kapamilya stars na sina Loisa Andalio, Katherine Gallo, Pamu Pamorada, Arabella del Rosario, Ella San Andres, Ashley Colet, at Aiyannna Waggoner.

Nagsilbi naman nilang coach ang UAAP women’s volleyball coaches na sina Kung Fu Reyes, Jr. at Oliver Almadro na parehong nagharap din sa championship ng nasabing liga.

Hindi katulad ng professional volleyball leagues, tatlong set lamang ang naging match sa pagitan nina Chiu at Barretto at ang unang makakuha ng dalawang set ang mananalo.

Nakuha ng Team Blue ni Barretto ang unang set habang nagsunod-sunod naman ang magandang volleyball moves ng Team Red ni Chiu at nakuha ang huling dalawang set upang tanghaling champion ng ABS-CBN All-Star Games 2019.

Larawan mula sa Star Magic

Naging masaya ang celebrity match ng dalawang koponan sa kabila ng mga kontobersyang kinaharap nila nitong mga nakaraang linggo. Naging trending din ang magandang relasyon nina Chiu at Barretto na nagpakita ng sportsmanship.

Bago rin ang laro, humiling si Chiu sa fans ng kani-kanilang koponan na sana ay i-enjoy lamang ng audience ang friendly match na ito at huwag sanang i-boo ang players ng bawat team.

Nag-uwi rin ng individual awards sina Chiu at Barretto, habang si Analain Lim naman ang itinanghal na Most Valuable Player (MVP) ng volleyball match.