Tagapangasiwa ng LRT, humingi na ng paumanhin sa trans woman na nakaranas ng ‘pamamahiya’ mula sa kanilang sekyu




Imahe mula kay Ramon FVelasquez | Wikimedia Commons
  • Ibinahagi ng isang trans woman ang naranasan niyang diskriminasyon sa loob mismo ng LRT 1 Carriedo Station
  • Nangyari ang ‘pagpapahiya’ kay Darna Evangelista habang pasakay siya sa bagon na laan para sa kababaihan
  • Kinumpirma naman ng pamunuan ng LRT na humingi na sila ng paumanhin sa trans woman at sinabing hindi nila nais na maranasan ng kanilang mga pasahero ang anumang uri ng diskriminasyon
Imahe mula kay Ramon FVelasquez | Wikimedia Commons

Tanggap ng tagapangasiwa sa LRT 1 Carriedo Station ang kanilang pagkakamali sa nangyaring sagutan sa pagitan ng isang trans woman at ng noo’y naka-duty na security guard.

Ayon sa ulat ng Inquirer, nagpadala sa kanila ng pahayag ang namumuno ng mga operasyon sa LRT Line 1. Kinumpirma umano ng The Light Rail Manila Corporation (LRMC) na humingi na sila ng paumanhin sa trans woman na si Darna Evangelista dahil sa naging asta ng nakaalitan nitong guwardiya.

“Light Rail Manila Corporation (LRMC) believes that all passengers, regardless of their sexual orientation, deserve a safe, comfortable and reliable transportation that does not tolerate any form of discrimination,” ayon sa pahayag ng LRT admin.

Dagdag nito, “LRMC is steadfast in improving customer experience. We will continue to train our team members to respect all our customers.”

Sa kabilang banda, kinumpirma ni Darna na napatawad na niya ang security guard at hindi niya nais na mawalan ito ng trabaho.

Sa kaniyang pahayag sa Inquirer, sinabi ng trans woman na gusto lang niyang ipaalam sa LRT 1 admin ang ganitong pangyayari. Hiniling nito na sana ay magkaroon ng gender awareness at mabigyan ng gender sensitivity training ang mga empleyado ng LRT.

I-click ang imahe para mabasa ang buong post

Sa kaniyang Facebook post noong August 7, ibinahagi ni Darna ang nangyaring “pagpapahiya” sa kaniya ng security guard sa LRT Carriedo station.

Bukod sa pinigilan siyang sumakay sa bagon na laan para sa kababaihan, gumamit pa ang sekyu ng megaphone para sabihin na “lalaki” pa rin siya sa kabila ng kaniyang pagiging trans woman.