Sen. Kiko Pangilinan, nanawagan sa MMDA na itigil na ang ‘pag-eeksperimento’ sa EDSA

Mga imahe mula sa Facebook page ni Sen.Kiko Pangilinan/MMDA
  • Matinding trapiko ang naidulot ng MMDA nang nag-dry run ng yellow lane policy sa EDSA
  • Pinakaapektado nito ang mga ordinaryong commuters
  • Nais ni Senador Kiko Pangilinan na itigil na ng MMDA ang mga walang saysay na ‘ekperimento’

Sinimulan noong Agosto 7 ang dry run ng yellow lane policy sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) na inamin naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na hindi naging matagumpay.

Imahe mula sa Wikipedia/Judgefloro

Dahil dalawang bus lane sa EDSA lamang ang ipinagamit ng MMDA, nagresulta ito sa mas malalang trapiko, maging sa mga kalapit na siyudad. Ang mga ordinaryong commuter ang pinakaapektado sa polisiyang nais ipatupad ng MMDA.

Kaugnay rito, nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa MMDA na itigil na nito ang mga pag-eeksperimento sa mga lansangan ng Metro Manila. Aniya, ang mga ginagawang proseso ng ahensiya ay lalo lamang umanong nakapagdudulot ng matitinding trapiko.

“Dapat isipin ang kalagayan ng mga commuter sa mga eksperimentong ginagawa para ibsan ang traffic jams. Ang mga commuter ang 70% ng gumagamit ng 20% ng mga kalye natin, liliitan pa ang espasyo nila? Hindi lang konting konsiderasyon ang hiling natin, konting paggamit din ng lohiko,” paliwanag ng senador.

Iginiit pa niya na ang mga napeperwisyo nito ay ang pamilyang Pilipino kung saan naaksaya ang kanilang oras sa matinding trapiko. Binigyang-diin din niya na ang mga commuter ang dapat isaalang-alang sa pagbibigay ng solusyon sa matinding trapiko.

“Paano ka magiging productive kung nauubos ang oras mo sa trapik? Itigil na ’yang mga eksperimentong lalo lang nakakaperwisyo sa tao,” sabi pa ng senador.

Imahe mula sa Facebook page ni Se.Kiko Pangilinan

Binanggit din ni Pangilinan ang ukol sa ipinasa niyang Senate Bill No. 775 o ang “An Act Providing for a Magna Carta for Dignified Commuting, Creating the National Office of Commuter Affairs.”

Ang panukalang-batas ay may layuning matiyak na ang mga Pilipinong commuters ay mabibigyan ng ligtas, maginhawa, maaasahan, at murang pagko-commute.

Samantala, ayon sa isang netizen na naglabas ng sama ng loob sa social media: “Nakakaawang maging commuter sa Pilipinas. Common sense naman sana na dapat ay may mas maraming lane para sa mga bus dahil ito ang inaasahan na may mas malaking porsiyento ng mga pasahero.”

Ang EDSA ay isang makasaysayang lugar. Huwag sana itong mas makilala dahil sa mga suliranin sa trapiko ng ating bansa.

Source :

Senate, Inquirer