Raffy Tulfo, itinangging P50 million ang kita sa YouTube videos ng programa; umaming pinapakain nang libre ang mga pumipila

Larawan mula sa Facebook page ng Raffy Tulfo in Action
  • Wala raw katotohanang umaabot sa P50 milyon ang kita ni Raffy Tulfo dahil sa YouTube videos ng kanyang show
  • Pinapakain lamang daw niya kung minsan ang mga nakapila at mga nakapapasok sa kanyang programa
  • Hindi naman daw inaasahan ni Tulfo na magiging sikat ang kanyang public service show

Ginulat ng dati’y isang simpleng radio program lamang ng journalist na si Raffy Tulfo ang mundo ng mga netizens nang unti-unting mag-viral ang ‘Raffy Tulfo in Action’ sa social media. Maraming balita ngayon ang nagpapatunay na ang YouTube channel ni Tulfo ang isa sa most subscribed Filipino account sa nasabing video sharing platform.

Dahil sa hindi maawat na kasikatan ng show ni Tulfo, lumabas rin ang balitang umaabot na sa P50 milyon buwan-buwan ang kinikita niya sa YouTube ads. Ngunit sa isang pahayag, itinanggi ng tinaguriang ‘Idol ng Bayan’ na ganito kalaki ang nakukuha niyang salapi mula sa online streaming ng programa.

Sa video na inupload ng TV5 news reporter na si MJ Marfori, pinabulaanan ni Tulfo na umaabot sa P50 milyon ang YouTube revenue ng show; bagkus ay estimate lamang daw ang mga lumalabas na artikulo tungkol sa kanyang kita.

Larawan mula sa Facebook page ng Raffy Tulfo in Action

“Nakakainsulto naman yan. Bakit di mo ginawang P100 million?” biro ng trending TV at radio host na si Tulfo.

“Walang katotohanan po iyon… Actually napanood ko rin iyon. Estimate lamang po iyon… Na puwedeng mangyari, at puwedeng ‘di mangyari,” dagdag pa niya.

“Baka mamaya, habulin ako ng BIR… Malayong-malayo po iyon… Trust me!” pagsisigurado ni Tulfo.

Kung mayroon daw katotohanan ang milyon-milyon niyang kita, sana raw ay nagmamaneho na siya ng isang mamahaling sasakyan ngayon. Kumikita naman daw siya sa pamamagitan ng YouTube ads ngunit ayon kay Tulfo, ‘pantawid gutom’ lamang daw iyon at sapat na para makatulong sa mga kapuwa-Pilipino na lumalapit sa kanyang programa.

Itinanggi man ni Tulfo ang napakalaking kita sa ‘Raffy Tulfo in Action’ show, pinatotohanan naman niya na paminsan-minsan ay inililibre niya ng milk tea at meryenda ang daan-daang taong pumipila upang matulungan ng kanilang hit public service show.

Larawan mula sa Facebook page ng Raffy Tulfo in Action

Dagdag pa ni Tulfo, sigurado raw na mayroong free lunch ang mga taong nakapapasok sa kanyang programa upang magparating ng kanilang hinaing na inaaksyunan niya at sampu ng kanyang mga staff.

Nang maitanong naman ni Marfori kung ano ang nararamdaman ni Tulfo dahil ang YouTube account niya ang most followed Filipino account sa ngayon, ikinagulat daw niya ito at kailanman ay hindi sumagi sa isip na magte-trend ang mga episodes ng kanyang show.

Madalas ay nasa top trending videos ang mga episode ng kanyang programang ‘Wanted sa Radyo’ at pinag-uusapan ng maraming Pilipino saan mang sulok ng bansa at mundo.

Source :

YouTube, Facebook