QC Mayor Joy Belmonte umaming media-shy, hindi kailangan ng media coverage tuwing nagtatrabaho




Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Joy Belmonte
  • Hindi maiiwasan na maikumpara sa isa’t isa ang paraan ng pagtatrabaho ng mga mayors sa Metro Manila
  • Habang may mga mayor na ginagamit ang mass media sa paghahatid ng serbisyo sa publiko ay mayroon din namang mga media-shy politicians
  • Isa si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga media-shy politicians sa bansa

Sadyang may mga taong ma-PR o mahusay makipag-ugnayan sa kapuwa. Ang ganitong katangian ay maaaring magamit ng sinumang politiko para sa pagpapalaganap ng kaniyang mga plataporma na lalong pinaiigting dahil sa iba’t ibang uri ng media.

Magandang halimbawa nito si Manila City Mayor Isko Moreno na ginagamit ang social media at husay sa pakikipag-ugnayan sa mga Manilenyo kaya nasusubaybayan ng publiko ang kaniyang mga ginagawa.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Joy Belmonte

Sa kabilang banda, may mga politiko rin na hindi gaanong nabibigyang-pansin ng media dahil para sa iba ay hindi naman kailangan na laging ipakita o ipagmalaki sa publiko ang mga nagawa ng isang lider. Lalong hindi ito umano nangangahulugan na walang ginagawa ang isang lingkod-bayan.

Ganito ang katwiran ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa isang panayam ng batikang mamamahayag na si Winnie Monsod sa programang “Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie.”

Inamin ni Mayor Joy na siya ay media-shy ngunit kaya niyang humarap sa mga tao. Katwiran pa niya, hindi naman kailangang makita sa telebisyon ang mukha ng mga nagtatrabahong lingkod-bayan.

Pinabulaanan din niya ang mga kritisismo sa kaniya na hindi siya lumalabas at nakikipagkamay sa mga tao. Aniya, hindi niya ginagawang ‘big deal’ ang pagpunta niya sa isang lokasyon na kailangan pa ng media coverage.

Ang mahalaga umano ay ang nakikita siya ng mga mamamayan ng Quezon City na naglilingkod at ginagampanan ang kaniyang mga trabaho. Ang gusto umano ng mga tao ay ang makitang bumababa siya sa mga komunidad na kaniya namang ginagawa.

Sa usapin ng clearing operations sa mga lansangan na mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte, iba ang strategy ni Mayor Joy sa pagsasagawa nito. Para sa kaniya, hindi solusyon ang pagkukumpiska ng mga paninda ng mga illegal vendors dahil lalo lamang makalilikha ng problema kung aagawin pati ang pinagkukunan nila ng kabuhayan.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Joy Belmonte

Sa simula umano ng pagpapatupad ng clearing operations, pinaiiral ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang tinatawag niyang ‘compassionate way’ sa paglutas ng mga suliranin.

Nang bisitahin ng mayora ang lahat ng pampubliko at pampribadong pamilihan sa lungsod ay nakita niya na marami pang puwesto na available sa loob. Ngunit pinipili ng mga vendors na magtinda sa labas dahil na rin sa mahal na upa ng puwesto.

Dito papasok ang tulong ng LGU kung saan maaari silang magbigay ng dagdag na puhunan o isaayos ang mga regulasyon sa pagrerenta ng puwesto.

Binigyang-diin din ng mayora na ang Quezon City ang pinakamalaking lungsod sa buong Pilipinas kaya asahan na mas maraming squatters area at mas maraming vendors umano kumpara sa ibang lungsod ng Metro Manila.

Source :

YouTube, GMA News