Photoshoot ni ‘You do note’ girl, kinaaaliwan ng mga netizens




Imahe kuha mula Ryry Villacosta at Pinoy Fame Online via Facebook
  • Naging viral ang nakilalang si ‘You do note’ girl dahil sa kaniyang nakatutuwang panggagaya sa mga karakter ng teleseryeng ‘Kadenang Ginto’ ng ABS-CBN
  • Dahil sa kaniyang kasikatan, naimbitahan na rin siyang mag-guest sa programa sa telebisyon at balita ring lalabas siya sa isang eksena sa Kadenang Ginto
  • Ngayon ay nagkaroon na rin ng sariling photoshoot si ‘You do note’ girl na mas lalong nagpalabas ng karisma at kakyutan ng bata
Imahe kuha mula sa  Facebook video ni Ryry Villacosta

Sino nga bang KG fan ang hindi nakakakilala kay ‘You do note’ girl?

Viral sa social media at kalimitang bukambibig na ng marami sa atin, tunay ngang ‘di na mapipigilan ang impluwensyang pinalaganap ng siyam na taong gulang na si Marjorie “Majo” Lingat o mas kilala sa tawag na “You do note” girl.

Nag-umpisa ang kasikatan ni Majo nang mag-viral ang video niya habang binibigkas ang mga linya ng mga karakter sa hit teleserye ng ABS-CBN na “Kadenang Ginto.” Maraming natuwa sa video na ito dahil kahit baluktot at hindi naiintindihan ang kaniyang pagsasalita ng Ingles, todo arte naman ang bata na feel na feel ang mga binibitawang linya.

Pagkatapos kumalat sa social media ang kaniyang video, naimbitahan si Majo sa programang Gandang Gabi Vice kung saan ay personal niyang nakaharap ang mga ginagaya niyang artista na gumanap sa teleserye. Marami ang natuwa at naaliw sa natural na pag-arte ng  bata sa harap ng mga artista, at nakipagsabayan din siya sa pagbato ng mga linya at punch lines.

Imahe kuha mula sa video ng Gandang Gabi Vice via YouTube channel

Tuwang-tuwa rin sa kaniya ang host ng programa na si Vice Ganda kaya naman binigyan siya nito ng sarili nilang telebisyon. Ayon kay Majo, sa may kapitbahay lang umano nila siya nakikinood ng teleserye dahil wala silang sariling TV.

Napabalita rin na pinagpaplanuhan ng direktor ng Kadenang Ginto na si Jojo Saguin na isama si Majo sa teleserye. At dahil sa kaniyang edad, pinag-iisipan pa kung ano ang magiging role ng bata.

Imahe mula Pinoy Fame Online via Facebook

Ngunit hindi dito nagtatapos ang suwerte ni Majo. Kamakailan lang ay nagkaroon na rin siya ng sariling photoshoot na kinaaliwan ulit ng mga netizens.

Sa photoshoot na ito, makikitang todo pose at project ang bata habang fierce naman ang kaniyang mukha. Maraming netizens ang natutuwa sa kasikatan at atensyon na natatanggap ni Majo lalo na at makatutulong ito upang mapabuti ang pamumuhay ng kaniyang pamilya.

Bisitahin ang Facebook page ng Pinoy Fame Online upang makita ang iba pang larawan ni Majo.